Para sa magkakaibigang naging pari at madre, hindi lang tungkol sa "happy-happy" ang pagiging magkaibigan. At ang tunay at maganda umanong samahan ay aakayin ka sa kabutihan.
Sa programang "Unang Hirit," ipinakilala ang isang grupo ng magbabarkada sa Nueva Ecija na pawang naging alagad ng Diyos.
Naging pari sina Dean Jerome Cruz, Edelberto dela Rosa Jr., Jestoni Macapas, Franz Joseph Aquino at Mark Kevin Salac, habang naging madre ang kaisa-isang babae sa tropa na si Mary Joannie Bolisay.
Nagkakilala at nabuo ang kanilang samahan nang pumasok sila sa seminaryo
"Noong nasa loob na kami ng seminaryo ay doon nabuo yung pagkakaibigan namin," ayon kay Fr. Aquino.
"Noong nagkakilala na kami, unti-unting nabuo yung tinatawag na brotherhood, magkakapatid ang turingan,: sabi naman ni Fr. Macapas.
Pinusuan ng netizens ang mga larawan ng magbabarkada habang hindi pa sila pari, hanggang sa ma-ordinahan na bilang mga alagad ng Diyos.
Si Sister Mary Joannie, sinabing malaki ang naging impluwensiya ng kaniyang mga kaibigan sa napili niyang bokasyon.
Kahit magkakaiba ng kanilang edad, magkakatugma naman daw ang kanilang hilig.
Para kay Fr. Cruz, best memories sa kaniya ang sama-sama nilang pagdarasal at pag-aaral.
"Laging nandyan sila kapag may problema ako. Kapag nalulungkot ako, lumalapit ako sa kanila at natutulungan nila ako," sambit ni Fr. Salac.
Kahit nakatalaga na sa iba't ibang parokya, patuloy pa rin ang kanilang samahan. At kung may pagkakataon, lumalabas pa rin sila bilang isang barkada.
"Sabi nila parang malungkot ang pagpa-pari kasi parang you are alone. Pero sabi ko nga this is a journey and we journey together. Walang iwanan, walang kaniya-kaniya," ayon kay Fr. Salac.
Pahayag naman ni Fr. Dela Rosa, "Masayang maglingkod sa Diyos, lalong mas masaya kapag kasama mo yung mga kaibigan mo."
Mensahe ni Fr. Aquino, "Ang isang barkadahan ay hindi lamang dapat tungkol sa happy-happy. Ang barkadahan ay dapat dinadala tayo nito sa kabutihan. Ginagawa tayong masaya."
Para kay Sis. Mary Joannie, ang isang mabuting kaibigan ay ang taong "dadalhin ka para mapalapit sa Diyos, para mapalapit sa ibang tao, para mapalapit sa pamilya mo, at para mapabuti ka."
--FRJ, GMA News