May mga kababaihan na gumagawa ng vaginal steaming o  pinapausukan mula sa init ng pinakuluang tubig ang maselang bahagi ng kanilang katawan dahil sa iba't ibang kadahilanan. Pero epektibo nga ba ito at ligtas? Paalala, maselan ang paksa na nababagay lang sa mga nasa hustong gulang. 

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ipinakilala si Pamela na nagpapakulo ng tubig na may kasamang  iba't ibang pinatuyong dahon o herbs.

Pero hindi lang siya gagawa ng tsaa kung hindi gagamitin  din niya ang pinakuluang tubig para pasingawan o painitan ang maselang bahagi ng kaniyang katawan.

Matapos ma-diagnose noong 2016 na mayroon siyang polycystic ovary syndrome o PCOS, naging mahirap daw kay Pamela at sa kaniyang mister na makabuo sila ng anak.

Kaya naman sinubukan niya ang vaginal steaming ng dalawa o tatlong beses sa isang linggo, na tumatagal ng hanggang 20 minuto.

Pagkaraan ng halos dalawang taon na paggamit ng vaginal steaming, nabuntis si Pamela at nawala na rin daw ang mga bukol sa kaniyang matres.

Si Beverly naman, tawas ang inilalagay sa tubig na kaniyang pinapakuluan at ipinangpapainit din sa maselang bahagi ng kaniyang katawan.

Ang epekto raw nito, nawawala ang hindi kaaya-ayang amoy sa pribadong bahagi ng kaniyang katawan at "sumisikap" pa diumano.

Nakatutulong din daw ang vaginal steaming na may tawas para mapaputi ang maselang bahagi ng katawan na kaya balik-alindog ang idinudulot nito sa kaniya.

Mayroon ding ginang sa Palawan na mga murang dahon ng bayabas naman ang inilalagay sa pinapakuluang tubig para madali raw na gumaling ang sugat na dulot ng panganganak.

Gayunman, may isang  babae sa Marinduque na gumamit ng vaginal steaming na dahon din ng bayabas ang inilalagay sa pinakuluang tubig sa pag-asang maaalis nito ang pangangati sa maselang bahagi ng kaniyang katawan pero bigo siya.

Totoo nga ba ang mga sinasabing benepisyong dulot ng vaginal steaming tulad ng pagbubuntis, pagpapasikip at kung ano-ano pa? Ligtas nga ba itong gawin ng mga kababaihan?

Alamin ang paliwanag at paalala ng mga eksperto sa video ng "KMJS." Panoorin.

--FRJ, GMA News