Isang 80-anyos na magsasaka ang biglang naging multi-milyonaryo matapos tumama sa Superlotto 6/49 draw noong nakaraang Enero 16, 2022.
Sa isang pahayag ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), sinabing nagkakahalaga ng P142,679,606.40 ang tinamaan na premyo ng magsasaka.
Nabili umano ng magsasaka ang kaniyang ticket sa isang lotto outlet sa Abuyog, Albay.
Madalas umano siyang tumaya ng lotto na umabot na ng 15 taon, at sulit umano ang kaniyang paghihintay.
Samantala, isang medical frontliner naman sa La Union Province ang nagtungo rin sa tanggapan ng PCSO para kobrahin ang tinamaan na mahigit P70 milyon na premyo sa Ultra Lotto 6/58 draw noong Enero 14, 2022.
Nagtatrabaho umano bilang frontliner sa isang local hospital sa lalawigan ang lotto winner, at 10 taon nang tumataya sa lotto.
Pero kahit minsan, hindi pa umano siya nanalo kahit man lang "balik-taya."
Gayunman, hindi siya tumigil sa pagtaya hanggang sa dumating na ang pinakahihintay na suwerte.
“Hindi naman din ako tumigil mangarap at baka sakali nga na matamaan ko rin isang araw. Nagulat po talaga ako as in wala ako masabi na totoo nga pala na puwede kayong manalo sa PCSO lotto," ayon sa pahayag ng lotto winner.
Sa ilalim ng TRAIN Law, ang mga premyo sa lotto na higit P10,000 ay papatawan ng 20 porsiyentong buwis. --FRJ, GMA News