Nakaisip ng kakaibang paraan ang animal rescuers sa England kung papaano masasagip ang isang asong nawala at nakita sa marshland na puwede siyang malunod.
Sa ulat ng Reuters, sinabing dalawang araw nang nawawala ang aso na si "Millie" sa Hampshire, England.
Dito na pumasok ang Denmead Drone Search & Rescue, isang charity group na itinayo para maghanap sa mga nawawalang alagang hayop at pati na mga tao.
Nakatanggap ang grupo ng ilang impormasyon kung saan nakita ang aso at posibleng kinaroroonan niya.
Gamit ang drone, nakita ng mga rescuer si Millie sa marshland, o isang lugar na pinapasok at nalulubog sa tubig.
Rescuers in England lead a dog ???? to safety by hanging a sausage from a drone pic.twitter.com/iDKDTBIvcK
— Reuters (@Reuters) January 22, 2022
Dahil sa pangamba na tumaas ang tubig at hindi na makaalis pa ang aso at malunod, naisipan ng mga rescuer na lagyan ng mahabang tali na may sausage ang drone.
Ang naturang sausage ang ginawang pang-akit kay Millie para sundan niya ang drone patungo sa ligtas na lugar.
''We were told if Millie wasn't moved with in a few hours she would have been cut off, and the area she was in underwater, with drowning highly likely,'' saad ni Denmead Drone Search & Rescue sa Facebook page.
Tagumpay naman ang naturang taktika at nakabalik sa kaniyang amo si Millie noong Lunes, January 17. --Reuters/FRJ, GMA News