Nag-viral sa social media ang isang laundry shop sa San Francisco, Agusan del Sur. Bukod kasi sa malinis ang kanilang labada, malinis din ang konsensiya ng may-ari dahil isinasauli nila sa kostumer ang pera at gamit na naiiwan sa mga labada.
Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" nitong Linggo, napag-alaman na dating overseas Filipino worker sa Dubai ang may-ari ng laundry shop na si Florfel Mejia.
Sa isang laundry shop din sa Dubai nagtrabaho noon si Mejia. At nang may makita raw sila ng kaniyang mga kasamahan na naiwang pera sa pinalabhan, pinaghatian nila ito.
Pero nakaramdam daw si Mejia na tila na-bad karma siya dahil naging masasakitin noon ang kaniyang anak sa Pilipinas at lagi ring sumasakit ang kaniyang ulo.
Fast forward, taong 2019 nang magtayo naman si Mejia ng sarili niyang laundry shop sa Agusan. Pero nang magkaroon ng COVID-19 pandemic noong 2020, naging paiyakan ang kanilang kita dahil walang nagpapalaba.
Ang naturang laundry shop pa naman ang pinagkukunan nila ng panggastos sa araw-araw.
Sa kabila ng pagiging gipit, pinairal ni Mejia ang katapatan na isauli sa kostumer ang mga nakikita nila sa bulsa ng labada--pera, alahas, flash drive, exam permit at kahit ano pa.
Katunayan, isang kostumer ni Mejia ang hindi makapaniwala na maibabalik pa sa kaniya ang P10,000 cash na naiwan niya sa kaniyang pinalabhan.
Dahil sa katapatan nina Mejia, nag-viral ang kanilang shop at nadagdagan ang kanilang mga kliyente.
Pero nito lang Enero 5, nasubok ang katatagan ni Mejia nang biglang sumakit ang tiyan ng misis niyang buntis at kabuwanan na.
Kulang pa naman ang perang inilaan niya sa panganganak ng asawa. Nang araw din iyon, may nakita naman siyang P2,000 cash na naiwan sa bulsa ng labahan.
Kaya napaisip siya kung isasauli ba niya ang pera o gagamitin niyang pandagdag na pambayad sa panganganak ng asawa.
Sa huli, nangibabaw ang takot ni Mejia sa bad karma, na baka mahirapan sa panganganak ang kaniyang misis kung mag-iinteresan niya ang pera na hindi sa kaniya.
Kaya isinauli niya ang P2,000 sa kaniyang kostumer na biktima pala ng bagyong Odette at nasiraan pa ng bubungan. Ang naibalik na pera, ginamit sa pagpapagawa ng nasirang bubungan.
Tila nagkaroon din ng sukling good karma sa katapatan muli ni Mejia. Dahil nakatanggap naman siya ng magandang balita sa kaniyang kamag-anak na nagbigay ng P10,000 na regalo sa panganganak ng kaniyang asawa.
Bukod dito, nakatanggap din ang laundry shop ni Mejia ng pagkilala mula sa munisipyo. Tunghayan sa video ang buong kuwento.
--FRJ, GMA News