Naging malaking palaisipan sa mga tao sa Northern Luzon ang nakita nilang misteryosong liwanag na gumuhit sa madalim na kalawakan bago magpalit ang taon.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" noong Linggo, kaniya-kaniyang hula ang mga nakakita sa liwanag kung ito ba'y mula sa eroplano, jet, drone, spaceship o UFO.
Nakita ang liwanag na nagkorteng jelly fish pa sa lalawigan ng Cagayan, Isabela, Ilocos, at maging sa Pangasinan.
Tumagal lang umano ng isa hanggang tatlong minuto ang misteryosong liwanag at bigla ring naglaho sa dilim ng kalawakan.
Upang maliwanagan, kinapanayam ng "KMJS" si Romeo Ganal Jr. ng Northern Luzon PAGASA Regional Services Division, tungkol sa naturang liwanag na lumikha ng tinatawag na space jellyfish.
Ayon kay Ganal, isang space rocket ang pinagmulan ng liwanag na nanggaling sa China. Kung para saan iyon, alamin ang buong kuwento sa video ng "KMJS."
--FRJ, GMA News