Hindi pinapansin ng iba ang barya dahil sa maliit daw kasi ang halaga. Pero mayroon daw lumang barya na kapag ibinenta ay maaari umanong umabot ng P1 milyon ang halaga.
Sa segment na "KuyaKimAnoNa?" sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabi ni Kim Atienza na bago dumating ang mga Kastila ay ginto umano ang gamit ng mga Pinoy sa pakikipagtransaksiyon.
Pero nang masakop na ng mga Kastila ang Pilipinas, gumamit sila ng bronze o barilla bilang currency.
Ayon kay Kyle Guianan, isang numismatist o nangongolekta at nag-aaral ng mga pera, kinalaunan ay tinawag ng mga Pinoy na barya ang barilla.
Sinabi naman ni Archie Lugay, isa ring numismatist, na ang Philippine 1903 S-20 Cents ay nagkakahalaga ngayon ng US$ 1,700.
"Presyo siya ng mataas ang mintage niya 150,000 pieces and in good condition na may presyo siya ng 1,700 dollars," pahayag ni Lugay.
Pero ang itinuturing umanong King of Philippine Peso, ayon kay Kuya Kim ay ang 1906 S US Philippine Peso Coin.
Ang naturang barya ay 90% made of silver at ang halaga umano ay umaabot sa P1 milyon.—FRJ, GMA News