Maraming kobra na ang naidokumento at nasagip ng "Born To Be Wild" team, pero nananatiling mailap sa grupo ang makamandag na spitting cobra. Hanggang sa isang araw, nakatanggap sila ng impormasyon na isang residente sa Palawan ang nakahuli nito.
Pinuntahan ni "BTBW" host Doc. Ferds Recio ang bahay ni David Anunciado sa Aborlan, Palawan para makita ang kobra na kaniyang nahuli.
Kuwento ni Anunciado, muntik niyang maapakan ang kobra na nakapuwesto sa gate ng kanilang bahay.
Nakaporma na rin na tutuklaw umano ang ahas. Bilang reaksyon sa pagdepensa sa sarili, napalo ni Anunciado ang cobra.
At dahil buhay pa, inilagay niya ito sa kulungan sa pag-asang baka magamot pa ito at tuluyang masagip.
Pero sa kasamangpalad, hindi na inabutan ni Doc Ferds na buhay ang cobra.
Namangha si Doc Ferds sa tingkad at kintab ng pagiging kulay itim ng cobra, na taliwas sa kulay ng ibang uri ng cobra sa Pilipinas.
Dahil hindi pa sigurado si Doc. Ferds kung anong uri ng cobra ang nahuli ni Anunciado, ipinadala niya sa isang eksperto ang mga larawan ng cobra para masuri.
Nang makita ng eksperto, kumpirmado na isang juvenile o young adult na equatorial spitting cobra ang nahuli na makikita umano sa Palawan.
Tunghayan ang kauna-unahang pagdokumento ng "BTBW" team sa naturang uri ng ahas na kayang dumura ng kamandag para ipagtanggol ang sarili. Panoorin.
--FRJ, GMA News