Sinasabing sa buwan ng Disyembre nangyayari ang maraming hiwalayan. At sa harap ngayon ng COVID-19 pandemic, may mga relasyon umano na maaaring lalong tumatag, at maaari ding matibag.

Sa "Need To Know," sinabing pinaniniwalaan ng mga eksperto na sinubok ng pandemya maging ang mga matatag na pagsasama.

"'Yung mga toxic relationships, workplace relationships, friends, family, either ayusin natin or let's put them on the side first para rin makahinga tayo. Kasi kumbaga ang stress points ng pandemic, malaki na eh to begin with," sabi ng relationship and parenting specialist na si Maribel Dionisio ng Love Institute.

Gayunman, may ibang pagsasama pa rin ang pinatatag ng pandemya.

"On the other hand, some relationships have strengthened in the pandemic, especially those who lived together... Nag-bonding sila through adversity. Suddenly they're tackling the pandemic not separately but together," sabi ng clinical psychologist na si Dr. Anna Tuazon.

"Para sa iba, mas gumaan, mas gumaan 'yung challenge kasi 'Wow hindi ako nag-iisa," dagdag pa ni Tuazon.

Paalala ni Dionisio, kailangan ng "relationship maintenance," kung saan dapat paalalahanan ang isang tao kung paano makipag-usap, makinig, at maging mabuti sa partner.

Mayroon ding "quaran-flings" o "COVID relationships" na nabuo sa gitna ng pandemya.

"I never judge relationships. All relationships, they're valid in their own way as long as they're two consenting adults," ani Tuazon.

Ngunit paalala ni Tuazon, maging maingat pa rin sa pagpasok sa relasyon dahil hindi porke't nabuo sa gitna ng krisis, ay magtatagal pa rin kapag tapos na ang krisis.

Payo ni Dionisio sa mga single: "Sa mga single ngayon, go out and mingle. I'm not saying naman get married, mingle and collect."

--FRJ, GMA News