Isang unggoy na lalaki sa Pasonanca Natural Park sa Zamboanga City ang kinailangang operahan ni Doc Nielsen Donato dahil sa bukol na nakita malapit sa kaniyang ari.
Kasama ang team ng "Born To Be Wild," nagtungo si Doc Nielsen sa naturang lugar kung saan dinadala ang mga nasasagip na hayop at nire-rehabilitate bago muling pakawalan sa wild.
Ang naturang unggoy ay isang Philippine long tailed macaque, na madalas gawing pet ng mga tao. Pero sa sandaling lumaki, hindi na nila ito maalagaan at isu-surrender na lang sa Department of Environment and Natural Resources.
Matapos i-sedate ang hayop, sinuri na ni Doc Nielsen kung ano ang bukol na malapit sa ari ng unggoy.
Ayon kay Doc. Nielsen, posibleng testicular tumor o kaya ay luslos ang dahilan ng bukol. Pero habang isinasagawa ang pagsusuri, may iba pang napansin ang duktor na mga cyst o bukol sa unggoy.
Kaya inuna ni Doc Nielsen na suriin ang maliliit na bukol para alamin kung magdudulot ito ng komplikasyon sa kalagayan ng unggoy.
Nang buksan ang maliliit na bukol, lumitaw na mga tapeworm o parasite ito na madalas makuha sa mga hayop.
Habang ang dahilan ng bukol na malapit sa ari ng unggoy, nakumpirmang luslos na kailangang alisin upang hindi na magdulot ng mas malala pang problema.
Pero kung ang iba hayop ay inirerekomenda ni Doc Nielsen na patabain, ang unggoy na kailangan niyang operahan, hindi.
Alamin kung bakit hindi kailangang patabain ang mga unggoy na may luslos, at alamin ang ginawang operasyon sa hayop. Panoorin.
--FRJ, GMA News