Hindi kabawasan ng ating kayamanan at pagkatao kung mamahagi tayo ng ating mga biyaya. Kinuha ni Hesus ang limang tinapay at dalawang isda. At pagka-tingala sa Langit ay binasbasan ni Hesus ang mga ito. Pinagputol-putol Niya ang mga tinapay at ibinigay sa Kaniyang mga Alagad upang ipamahagi ang mga ito sa mga tao." (Marcos 6:34-44)
MARAHIL nitong nagdaang Pasko at Bagong Taon, kahit nahaharap pa rin tayo sa matinding krisis bunsod ng COVID-19 pandemic at iba pang mga problema, marami pa rin sa atin ang naging masagana at nairaos nang masaya ang selebrasyon.
Kahit marami ang problema at pagsubok sa buhay na ating naranasa, may magandang dahilan pa rin upang masaya nating ipagdiwang ang dalawang napaka-halagang okasyon. Lalo na siyempre ang araw ng kapanganakan ng ating dakilang Manunubos na si HesuKristo.
Gayundin naman ang pagsalubong sa Bagong Taon, na nagbibigay sa atin ng panibagong pag-asa na harapin at malampasan kung ano man ang ating mga pinagdadaanan sa buhay.
Kahit hindi masyadong magarbo ang ating mga naging handa, ang mahalaga ay mayroon pa rin tayong pinagsaluhan, at kasama natin sa hapag-kainan ang ating mga mahal sa buhay--kahit pa ang ibang pamilya marahil ay nagsalo-salo sa tulong ng internet.
Payak man ang ating naging handa, hindi pa rin tayo pinabayaan ng ating Panginoong Diyos. Alalahanin natin na naging payak din ang pamumuhay ni HesusKristo mula pa lang sa Kaniyang pagsilang sa sabsaban.
Ang payak o pagiging simple, ang pamamahagi at ang pagsasalo-salo ay mababasa rin natin sa Mabuting Balita (Marcos 6:34-44). Tungkol ito sa pagpapakain ni Hesus sa limang-libong tao na dumagsa sa Kaniyang pangangaral. Ngunit hindi lamang sila literal na nagugutom, kundi gutom din ang kanilang pang-espirituwal na pamumuhay.
Naramdaman ni Hesus ang kanilang sitwasyon kaya't sila'y tinuruan at binusog Niya ng Salita ng Diyos sa pamamagitan ng Kaniyang pangangaral. Hindi lamang dito nagtatapos ang kagandahang loob ng ating Panginoong Hesus. Dahil binusog din Niya ang kumakalam na sikmura ng mga tao sa ilang piraso ng tinapay at isda na Kaniyang pinarami (Mk. 6:37).
Mapalad ang mga may payak na handa, at mas mapalad ang mga taong mas naging sagana ang handa. Pero sana ay maalala ng mga sagana sa buhay na marami tayong mga kababayan na naghihikahos ngayon tulad ng mga nasalanta ng kalamidad.
Sa pagpasok ng bagong taon, nais nating ipaalala ang ginawa ni HesuKristo na nagkaloob ng pagkain sa mga nagugutom at tubig sa mga nauuhaw. Ikaw na sagana sa buhay ay may kakayahan din na gawin ang ginawa ng Panginoon sa pamamagitan ng pagtulong sa mga nangangailangan, nagugutom at nauuhaw dahil sa nangyaring kalamidad at pandemya.
Itinuturo sa atin ngayon ng Ebanghelyo na hindi makakabawas ng ating pagkatao kung gagayahin natin ang halimbawang ipinamalas ng ating Panginoong HesuKristo. Ang pagtulong ay nagpapatunay ng presensiya ng Diyos sa ating lahat.
Nawa'y maging aral sa atin ang Pagbasa na magbigay at tumulong sa iba kung kaya naman nating gawin. Maligaya at makabuluhang bagong taon sa ating lahat na naniniwala sa Kaniya.
Manalangin Tayo: Panginoon. Salamat po na hindi Niyo kami pinabayaan sa nagdaang taon, at nawa'y patuloy Niyo kaming samahan sa taong ito. Ituro Niyo po sa amin na pagiging mapagbigay at matulungin gaya ng ipinakita ni HesusKristo sa Ebanghelyo. AMEN.
--FRJ, GMA News