Arestado at sermon ang inabot ng apat na pulis matapos silang masangkot sa panloloob sa bahay ng isang negosyanteng Hapon sa Pasig City.
Sa ulat ni John Consulta sa GTV "Balitanghali" nitong Martes, mapapanood sa kuha ng CCTV ang pagdating ng dalawang lalaking sakay ng isang motorsiklo sa naturang lungsod.
Pero pagdating nila sa nakasarang gate, bumaba sila at inihagis sa ibabaw ng gate ang dalawang punda ng unan na puno pala ng pera.
Ilang saglit pa, hinabol at pinaputukan na ng mga rumespondeng pulis ang dalawang tumatakas.
Sinabi ng Pasig Police na nang-agaw ng motor ang dalawang suspek bago humarurot patungo sa Makati City.
Gayunman, nahulog ang backride dahil sa tinamong tama ng bala.
Base sa salaysay ng biktimang Hapon at ng kaniyang misis, pinasok sila ng tatlong armadong suspek noong Biyernes ng gabi.
Itinali sila at puwersahang pinabukas sa kaniyang business partner ang vault gamit ang kaniyang finger print at susi.
"Pagkaakyat ko po sa itaas, nag-hysterical na po ako kasi nakatutok sa kaniya (asawang Hapon) 'yung baril. Tapos tinutukan din po ako ng baril," sabi ng misis ng Hapon.
Naaresto si Police Corporal Christian Jerome Reyes, na naka-police uniform pa sa isinagawang follow-up operation sa substation kung saan nakita rin ang P10 milyon na umano'y tinangay sa bahay ng mga biktima.
Huli rin sina Police Corporal Merick Desoloc, Patrolman Kirk Almojera, at ang sugatang si Police Staff Sergeant Jayson Bartolome, na rider ng motorsiklo.
Nasawi ang backride niyang si John Carlo Atienza.
Ayon sa National Capital Region Police Office (NCRPO), kasama sa dinakip ang isang dating tauhan ng negosyanteng Hapon na nakipagsabwatan umano sa may pitong salarin para sa panloloob.
"Hinubad lang sandali 'yung uniporme, nangholdap. Noong natapos na ang holdap, sinuot kaagad 'yung uniporme. Palalabasin nila na meron silang search warrant, meron silang ganito, ganiyan. 'Yan ang kinalabasan nangholdap," sabi ng galit na galit na si Major General Vic Danao, hepe ng NCRPO.
"I would just like to make it clear that we will never tolerate this kind of illegal activity," dagdag ni Danao.
Patuloy ang isinasagawang manhunt operation para sa dalawa pang salarin. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News