Iisa ang kuwento ng anim na babae tungkol sa naging karanasan nila sa isang lalaki na inakala nilang "the one." Matapos nilang sagutin ang mangingibig, nagsimula na itong magdrama, naglabas ang mga problema, at nanghingi ng pera.
Sa programang "Dapat Alam Mo," nagpakilala umanong modelo ang simpatikong lalaki. Dahil makisig at tila mabait, sabay-sabay niyang napaibig sina Nika, Carla, Lea, Lauren, Camila, at Lisa.
Nagawa umanong pagsabay-sabayin ng lalaki ang anim na babae gamit ang iba't ibang cellphone number na ipinangte-text sa kanila.
Si Nika na isang negosyante, sinabing nagsimulang maglabas ng problema ang inakalang nobyo pagkaraan ng dalawang linggo matapos siyang ma-fall.
Kabilang daw sa mga idinadaing ng lalaki ay wala silang kuryente sa bahay. At dahil sa awa, magbibigay naman siya ng pera.
Muntik pa raw niyang bilhin ang inilalambing na sports car ng lalaki.
Si Carla na isang modelo, inutangan daw nang inutungan ng lalaki matapos din niyang sagutin.
Katulad kay Nika, problema rin daw sa bahay ang idinadaing ng lalaki tulad ng pambayad sa kuryente.
Manager naman sa telco si Lea, na pati ang ipon sa bangko ay nagalaw para tulungan din ang inakalang lalaki na magmamahal sa kaniya.
Ang drama raw sa kaniya ng lalaki, nagka-COVID-19 ang tiyuhin at kailangan nila ng pambayad sa ospital.
Araw-araw daw na nagsasabi ang lalaki na kailangan nito ng trabaho at pera.
Dahil sa kagustuhang makatulong, nagbigay naman si Lea.
Sa isang app naman nakilala ng graphic artist na si Lauren ang lalaki. Makaraan nilang mag-date, nagsimula na ring magpaawa ang lalaki para makakuha sa kaniya ng pera.
Pero nang hindi na siya nagbibigay, unti-unti na ring nanlamig sa kaniya ang lalaki hanggang sa mawala.
Nakuhanan din ng pera ang flight attendant na si Camila pero maaga raw siyang natauhan.
Pati ang OFW na si Lisa na nasa Europe, hindi nakaligtas sa kamandag ng lalaki at natangayan ng P150,000.
Nagsimula raw ang lahat nang i-follow siya ng lalaki sa Instagram at nasundan ng palitan ng mensahe. And the rest is history.
Ang drama naman daw ng lalaki, kailangan niya ng pera dahil paalisin sila sa bahay.
"May karma din yung mga pinaggagawa mo," sabi ni Lisa.
Nawala na parang bula ang lalaki na binura na ang mga social media account at hindi na makontak ang telepono.
Nagsanib-puwersa ang anim na babae at inireklamo ang lalaki nanakit sa kanilang puso at bulsa.
Ngunit ang pangunahin nilang layunin, mabigyan ng babala ang ibang babae na baka mabiktima ng lalaki, na hindi na muna pinangalanan habang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang kaniyang ginawa.--FRJ, GMA News