Dalawang taon matapos ang kontrobersiyal na pagbangga ng isang Chinese vessel sa Gem-Vir 1 sa Recto Bank, nakapaglalayag nang muli ang mga mangingisdang Pinoy gamit ang kinumpuni nilang sasakyang pandagat. Pero hindi pa rin nawawala ang kanilang pangamba kahit pa sa sariling teritoryo ng Pilipinas sila nangingisda.
Idinukomento ng "Reporter's Notebook" ang muling pangingisda ng grupo ng ni Junel Insigne, kapitan ng Gem-Vir 1, sa Recto Bank.
Nakapalalaot na ang mga mangingisdang Pinoy gamit ang maliliit na bangka samantalang abala ang iba sa pangangawil ng isda.
Matapos ang halos anim na oras ng pamamalakaya, nakahuli ang grupo ni Insigne ang iba't ibang klase ng isda tulad ng Bakulaw, Lapu-Lapu at iba pang "high-grade" o de-kalidad na isda.
Gayunman, kaunti pa rin ito kumpara sa dati nilang nahuhuli sa loob lamang ng ilang oras.
Pero nitong nakaraang buwan, namataan ng grupo ni Insigne ang isang Chinese vessel. Ayon sa kaniya, parami nang parami ang mga sasakyang pandagat ng mga Tsino sa lugar.
Ang mga mangingisdang Tsino na sakay ng mas malalaking bangka at mas maraming gamit, higit na mas maraming isda rin umano ang nahuhuli.
"Mas maraming nahuhuli sila sa amin. Kaya medyo mahina po ang huli namin dahil marami silang lambat na gamit nila, ilaw-ilaw sila sa gabi. Maraming barko sila," sabi ni Insigne.
At kahit sila ang may karapatan sa naturang bahagi ng karagatan dahil sakop ito ng Pilipinas, sina Insigne pa rin ang lumalayo sa mga bangka ng China para hindi na maulit ang insidente noong 2019.
Ang hangad ng kaniyang grupo, maging malaya na sana silang makapangisda sa karagatang nasa loob ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas.
"Sa susunod na taon baka hindi na tayo makapamalakaya roon, kawawa naman tayong mga mangingisda, hindi na tayo makapunta ng West Philippine Sea eh samantalang doon lang tayo kumukuha ng ikabubuhay natin," sabi ni Insigne.
Tunghayan sa video ang buong report.
--FRJ, GMA News