Matapos mawalan ng trabaho ang ama dahil sa COVID-19 pandemic noong 2020, nag-isip ng paraan si Micah Orca kung papaano makatutulong sa pamilya. Ang naisip niya, negosyong yema spread na P500 lang ang puhunan.
"Nung nag-lockdown, nawalan ng source of income yung family ko. Nawalan ng trabaho yung father ko. Kaya as panganay, siyempre hindi ko kayang makita yung family ko na wala kaming makain," kuwento ni Micah sa "Pera Paraan."
Itinayo ni Micah ang negosyong Deli Spread sa puhunang P500. Para maiba sa karaniwang yema spread, nilagyan niya ito ng flavor na umaabot na sa walo ngayon.
Gayunman, hindi rin naging madali ang tagumpay ni Micah dahil mayroon mga nagdududa sa kaniyang kakayahan sa pagnenegosyo dahil na rin sa kaniyang edad.
"Marami sa mga customer ko ang ayaw maniwala nung impisa. Ayaw nilang magtiwala sa akin dahil sa edad ko. Iniisip nila, 'Supplier ko bata?,'" kuwento niya.
Pero hindi siya pinaghinaan ng loob at patuloy na nagsikap. Sa tulong na rin ng pagpo-post niya sa mga e-commerce site ng kaniyang yema spread na nasa P100 hanggang P120 ang presyo bawat bote, nakamit ni Micah ang tagumpay.
Ngayon, umaabot na raw sa P500,000 ang kaniyang kinikita sa loob ng isang buwan. Kaya ang dating naglalakad, may sariling service na.
Bukod doon, may ipinapatayo na rin siyang bahay para sa kaniyang pamilya na dating nangungupahan.
"Fulfilling [ang pakiramdam] kasi bilang sa edad ko pa lang, kumikita na ako ng ganito. Natutustusan ko na ang mga pangangailangan ng pamilya ko. At ngayon, nakakapagpatayo na 'ko ng bahay namin," masaya niyang pahayag ng batang negosyante.
--FRJ, GMA News