Matapos na itaya at maipatalo umano sa online sabong ang nakolektang pera mula sa pautang, isang lalaki sa Mangaldan, Pangasinan ang sinasabing nagpanggap na nabiktima ng panghoholdap.
Sa ulat ni Joan Ponsoy sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Miyerkules, kinilala ang suspek na si Norjude Reyes, isang lending collector.
Ayon sa mga awtoridad, nagreport umano si Reyes na naholdap siya at natangay ang koleksiyon niya na mahigit P18,000 sa Barangay Banaoang.
Nagpakita pa si Reyes ng galos sa tagiliran na natamo raw niya sa ginawang panghoholdap ng dalawang lalaki.
Tinukoy pa ni Reyes ang dalawang suspek na nangholdap umano sa kaniya.
Pero ayon kay Police Lieutenant Arnel Diopesa, Deputy Officer, Mangaldan Police, lumitaw sa kanilang imbestigasyon na ginawa umano ni Reyes sa sarili ang galos at hindi rin totoo na nabiktima siya ng panghoholdap.
"Lumalabas sa investigation na siya ay natalo sa online sabong," anang opisyal at sinabing ipinusta ni Reyes ang mahigit P18,000 na nakolekta niya sa pautang.
Pero nanindigan si Reyes na naholdap siya napilitan lang siyang aminin na naipatalo siya sa sugal ang pera.
Mahaharap sa patong-patong na kaso si Reyes dahil sa nangyari.--FRJ, GMA News