Simbolo ng masidhing magmamahal sa asawa ang Taj Mahal sa India. Kaya naman ang isang mister, ginaya ang hitsura ng naturang gusali nang magpagawa siya ng bahay na regalo sa kaniyang asawa.

Bukod sa natatanging arkitektura, dinadayo ang Taj Mahal dahil na rin sa kuwento sa likod ng pagtatayo nito.

Ipinagawa ni Mughal emperoro Shah Jahan noong 1632 ang Taj Mahal bilang pag-alala sa namayapa niyang asawa na si Mumtaz.

Sa video ng GMA News Feed, sinabing ang Taj Mahal ang naging inspirasyon ni Anand Prakash Chouksey, sa ipinatayo niyang bahay para sa kaniyang misis.

Ang ipinatayong bahay ni Anand, replica ng Taj Mahal na may magarang interior at may accent pang mga ginto. Mayroon itong apat na kuwarto, library at meditation room, na siyang tanging hiling noon ng kaniyang misis.

"She is happy with me in every situation...ups and down," sabi ni Anand. "She always supports me irrespective of my gift."

Ayon pa kay Anand, ang tanging hiling lang ng kaniyang asawa ay bigyan siya ng meditation room sa loob ng bahay.

"So I told the engineers to put a special focus on the meditation room. It is the best location inside the house since it is a dome styled house. It is ideal for meditation and peaceful relaxation," kuwento niya.

Umabot umano sa $260,000 o katumbas ng mahigit P13 milyon ang nagastos sa pagpapagawa ng bahay.--FRJ, GMA News