Dahil sa kanilang kuryosidad, hindi maiwasan kung minsan na isinusubo ng mga bata ng mga maliliit na bagay na nahahawakan nila tulad ng barya, na dahilan para sila malagay sa peligro. Ano nga ba ang mga dapat gawin kapag nakalunok ng foreign object ang bata?

Sa programang "Pinoy MD," makikita sa social media ang kaso ng 2-anyos na si Krystal Laroga, na aksidenteng nakalunok ng piso.

Abala noon sa pagsasagot ng module si Angelita, ina ni Krystal, nang mangyari ang insidente.

Humihingi raw ng pagkain si Krystal pero hindi naman makalabas si Angelita dahil umuulan at gabi na, Kaya binigyan niya na lang ito ng barya at tiwala siyang hindi isusubo ng bata ang barya.

Pero nagkamali si Angelita dahil isinubo ni Krystal ang piso at hindi na niya nakuha ang barya dahil nalunok na ito ng anak.

"Nahihirapan siyang huminga tapos nagsusuka na siya. 'Yung kinakain niya sinusuka niya," sabi ni Angelita.

Itinakbo agad ni Angelita sa ospital ang bata.

Sa kabutihang palad, hindi na kinailangang operahan si Krystal matapos maalis ang barya sa pamamagitan ng endoscope o pag-vacuum.

Ang bata namang si Cleayah Panimbatan, nalunok ang kapirasong silicone mula sa kaniyang stress ball.

Para masolusyunan, pinakain nang pinakain ni Camille ang anak na si Cleayah na si Camille para masuka ito.

Makalipas ang dalawang araw, nailabas ni Cleayah ang silicone sa pamamagitan ng pagdumi.

Payo ng EENT specialist na si Michael Vera Cruz, sakaling makalunok ng foreign object ang isang bata, huwag silang pakainin o painumin ng kahit na ano dahil maaari itong bumaba sa digestive system at maging mas mahirap pang pagkuha.

"The first thing we should identify is kung nakakahinga ba ang isang pasyente o hindi. Kung nakakahinga ang pasyente that's good, better call an ambulance, dalhin agad sa isang ospital ang pasyente para mailabas o ma-evaluate kung nasaan ang foreign object," sabi ni Dr. Cruz.

Bukod dito, huwag hayaan ang mga bata na maglaro ng mga maliliit na bagay lalo kung nasa edad apat na taon pababa. Ang mga laruan na hindi kasya sa kanilang bibig ang dapat na ibigay.

Panoorin ang buong talakayan sa video ng "Pinoy MD." --FRJ, GMA News