Sa programang "Pinoy MD," itinanong ng isang netizen kung dapat bang tirisin ang makati at may tubig butlig?
Ayon sa dermatologist na si Dr. Jean Marquez, hindi dapat putukin ang mga butlig na may tubig dahil maaari itong pagmulan ng impeksiyon.
"Kasi alam mo kapag pinutok mo ito, puwedeng maging open ang skin mo at maging prone ka to develop ng mga secondary infections," ayon sa doktor.
Bukod dito, sinabi ni Marquez na kung ang butlig ay bunga ng viral infection, lalo itong hindi dapat kalikutin dahil posibleng kumalat pa lalo ang virus sa katawan
Payo niya, ipatingin sa dermatologist ang balat upang malaman kung ano ang tamang lunas na dapat gawin sa problema.
Alamin ang iba pang katanungan at mga sagot tungkol sa problema sa balat tulad ng bacne at varicose veins sa video na ito ng "Pinoy MD." Panoorin.
--FRJ, GMA News