Isang 23-anyos na babae ang nakaramdam ng mga sintomas ng pagbubuntis gaya ng pagkahilo, pagsusuka, at tila namimili ng pagkain. Pero sa halip na baby, bukol sa kaniyang obaryo ang makita sa ultrasound.
Sa ulat ni Katrina Son sa programang "Dapat Alam Mo," ikinuwento ni Joan Apigo, na biglang tumigil ang kaniyang regla noong Enero.
Nasundan ito ng pagkakaramdam niya ng pagsusuka at pagkahilo, at tila naglilihi siya.
Kaya nang kumonsulta siya sa ob-gyne at tanungin kung ano ang kaniyang mga nararamdaman, buntis ang naging tingin sa kaniya kaagad.
Sa pag-aakala ngang buntis siya, isinabay ni Joan sa kanilang prenup shoot, ang kaniyang maternity shoot upang may maikukuwento siya sa kanilang magiging baby.
Pero sa ikatlong buwan ng inaakala niyang pagbubuntis, may naramdaman si Joan kaya muli siyang nagpatingin sa duktor.
At nang magsagawa ng ultrasound sa kaniya, doon na nakita na hindi siya buntis at mayroon siyang polycystic ovarian cyst.
Ayon kay Dra. Leonor Leonardo, active consult in obstetrics and gynecology, ang polycystic ovarian cyst at palatandaan ng hormonal imbalance.
Mayroon umanong iba't ibang uri ng cyst, at ang ibang bukol ay hindi naman malala at kusang nawawala.
Paliwanag ni Leonardo, sa mga pathologic cyst na katulad ng kay Joan, hindi ito makirot pero magkakaroon ng pagbabago sa kaniyang regla.
"Maaaring hindi reglahin ng ilang buwan o kokonti ang regla kumpara sa karaniwang menstrual cycle," anang duktor.
Ang mga karaniwang nagkakaroon umano ng polycystic ovarian cyst o hormonal imbalance ay mga babaeng nasa childbearing age na 15 hanggang 40, ayon kay Leonardo.
Dagdag pa rito ang kawalan ng regular exercise at very poor umano ang diet.
Sa mga kaso na katulad kay Joan, hindi naman inoopera ang bukol nito. Sa halip ay may iinuming mga gamot o pills para maging regular ang kaniyang regla.
Gayunman, hindi raw madali at matagalan ang ganitong gamutan o medical management.
Kung hindi umano maagapan ang mga ganitong problema, maaaring itong magdulot ng ibang mas malalang sakit, tulad ng kanser sa matres.
Ayon kay Joan, tinanong niya ang kaniyang duktor kung puwede pa siyang magkaanak.
"Diniretsa naman po ako na puwede pero matagal," sabi ni Joan.
Panoorin ang buong pagtalakay sa naturang usapin sa video na ito ng "Dapat Alam Mo."
--FRJ, GMA News