Mula sa "Mosang" na tawag noon sa chismosa, nanganak na ito nang nanganak ng pangalan na iniuugnay sa tsismis tulad ng "Marites" [Mare ano ang latest], "Marieta" [Mare eto pa], at iba pa. Ang mga lalaki, tinawag namang "Tolits" para sa, "Tol, ano ang latest."
Pero kamakailan lang, nag-viral ang isang video na sinasabing batikan sa pagiging "Marites" na umakyat at umupo pa sa hagdanan para makipag-chikahan sa kapitbahay habang nakasilip sa bintana.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," natunton sa Mexico, Pampanga ang naturang "Marites" sa viral video, na ang tunay na pangalan pala ay Rowena Lagman.
Paliwanag niya, hindi siya nakikipag-chismisan habang nakaupo sa hagdan dahil mga kapatid niya ang kausap niya sa bintana. Ang audio naman na madidinig sa video, ipinatong lang umano para maging kuwela ang kuwento.
Na-curious lang daw siya na bukas pa ang ilaw sa silid ng kaniyang mga kapatid na kapitbahay niya kaya naisipan na niyang kumustahin ang ito, lalo pa't galing sa therapy ang isa sa kanila.
Hindi rin daw tsismis ang ikinakalat niya, kung hindi mga Salita ng Diyos bilang isang chapel pastoral council coordinator sa kanilang lugar.
Pero ano naman kaya ang masasabi ng tinaguriang orig na pangalan ng mga chismosa na si Mosang, na screen name ng isang komedyante.
"Aba sa story line hindi mag-iinit ang mga eksena at mga awayan kung walang chismosa," ayon kay Mosang. "Sino ba ang nagti-trigger sa kontrabida at bida para mag-away, hindi ba ang mga tsismosa."
Dahil kapadong-kapado na ni Mosang ang chismosa role, ipinakita niya ang iba't ibang klase ng mga chismosa na mula sa pagiging sosyal, middle class at jologs.
Panoorin ang mga hirit ni Mosang at alamin ang "Marites" kay Mosang tungkol sa umano'y bagets nitong jowa. Alamin sa vdieo.
--FRJ, GMA News