Kalunos-lunos ang kalagayan ng kambal na binatilyong lalaki na nakuhanan ng video na nakakadena ang mga paa habang naglalakad ang isa, at gumagapang naman ang isa pa sa maputik na gilid ng kalsada sa General Santos City.
Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" nitong Linggo, sinabing 15-anyos na ngayon ang kambal na itinago sa pangalan Aron at Alan.
Sa video na kuha ni Kim Ranolo, makikita ang isang kambal na gumagapang sa putik nang walang saplot sa katawan.
Ang isa niyang paa, nakakadena katabi ng isang paa ng kaniyang kakambal na naka-brief lang habang marahang maglalakad.
Ayon kay Ranolo, gutom na gutom ang hitsura ng kambal.
Sa bintana ng bahay dumaan ang kambal para makalabas. Dahil sa nakakadena ang kanilang paa, makikita ang hirap na kanilang pinagdaanan.
Sinabi naman ng isa pang kapitbahay na si Felix, may mga kagat din ng insekto ang kambal na ang iba ay nangitim na ang marka.
Nadidinig daw ng mga kapitbahay na sumisigaw ang isa na "gutom" kaya inaabutan nila ito ng pagkain sa bintana.
Kaya nang makalabas na sila sa bahay, tinulungan ang kambal na alisin ang kadena sa kanilang paa. Ngayon, pansamantala silang kinukopkop ng isang nagmalasakit na kapitbahay.
Pero nasaan nga ba ang mga magulang o kamag-anak ng kambal? At sino ang naggapos sa kanila at pagkaraan ay basta na lang sila pinabayaan?
Tunghayan ang nakaantig na kuwentong ito ng "KMJS." Panoorin.
--FRJ, GMA News