Proud na ikinuwento ng isang 25-anyos na Pinoy na restaurant owner sa Canberra, Australia, na dati siyang nagtrabaho bilang tagalinis o janitor.
Sa video ng "Make Your Day," sinabing 19-anyos lang si John Andrew Dangca, nang dalhin siya ng mga kamag-anak sa Australia.
Sa Australia, ipinagpatuloy ni Dangca ang kaniyang pag-aaral, at sinabayan na rin niya ng pagtatrabaho bilang tagalinis sa mga mall, opisina, hotel, at maging sa mga bahay.
Ayon kay Dangca, pinili niyang suportahan ang kaniyang pag-aaral dahil ayaw niyang umasa sa kaniyang mga kamag-anak dahil may kani-kanila rin itong pamilya na kailangan tustusan.
Aniya, hindi madali na pagsabayin ang pag-aaral at pagtatrabaho dahil limitado lang oras na pinapayagan ang mga katulad niyang estudyante.
"Twenty hours a week lang ang puwede sa amin. Ang ginagawa ko, pinuputol ko yung time. Kunwari four hours ako dito, four hours ako sa kabilang job," kuwento niya
Kailanman ay hindi raw ikinahiya ni Dangca ang kaniyang trabaho bilang tagalinis dahil marangal na gawain ito.
Nang makapagtapos, nagpatuloy si Dangca sa pagtatrabaho hanggang madala na rin niya ang kaniyang pamilya sa Australia.
Nang makapag-ipon na ng pera, itinayo na ni Dangca ang kaniyang dream business na restaurant na Salu-Salo noong 2020.
Sa kaniyang restaurant, ibinibida niya ang mga paboritong pagkain ng mga Pinoy.
"Kapag may pangarap tayo, 'wag na tayong mag-stepback para ipagpatuloy natin. Kasi iniisip mo na itutuloy mo yung bagay na 'yon 'di ba, kailangan mong idiretso 'yon," payo niya. --FRJ, GMA News