Hiniling ng Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) sa publiko na isumbong sa kanila ang online cockfighting o e-sabong websites na puwedeng makataya maging ang mga nasa ibang bansa tulad ng mga overseas Filipino worker (OFW).
“We request the public to report to PAGCOR those websites which are accessible abroad for our proper disposition,” sabi ng PAGCOR sa inilabas na pahayag nitong Miyerkules.
Ang pahayag ay ginawa ng PAGCOR kaugnay na rin sa mga napapabalita na may mga OFW na nahuhumaling sa naturang uri ng sugal.
“Offshore betting, or bets coming from players abroad, even if from Filipinos, are not allowed in e-sabong,” anang ahensiya.
Giit ng gaming regulator, bawal na tumanggap ng taya ang e-sabong sa labas ng bansa, at hindi ito dapat na accessible sa labas ng Pilipinas.
“To ensure that this standard is met, applicants for e-sabong operations are required to submit a certification from a gaming laboratory attesting that the gaming websites are not accessible outside the Philippines and that Internet Protocol (IP) addresses emanating from other countries are blocked or restricted from accessing such websites,” ayon sa PAGCOR.
Ang mga lumalabag sa naturang patakaran ay mayroon umanong multa laban sa mga operator ng e-sabong.
“With the institution of these controls, PAGCOR is able to ensure that the interests and welfare of our OFWs and their families are upheld and protected,” pagtiyak ng PAGCOR.
Sa Talk To The People kamakailan ni Pangulong Rodrigo Duterte, inihayag ni Defense Secretary at National Task Force Against Covid-19 Chairman Delfin Lorenzana, ang pakiusap ng mga Pinoy sa Spain at Poland na kaniyang nakausap na limitahan ang operasyon ng e-sabong sa Pilipinas.
"Kung puwede daw po iyon daw online sabong ay limitahan lang 'yung panahon dahil marami pong nalululong na mga overseas na mga Filipinos sa online sabong," ayon sa kalihim.-- FRJ, GMA News