Matinding rigidon para sa Eleksyon 2022 ang naganap nitong Sabado matapos magpalit ng mga kandidato ang ilang partido. Kabilang dito sina Davao City Mayor Sara Duterte na tatakbong Bise Presidente, habang ang puwesto ng Pangulo na ang target ni Senador Bong Go, matapos iatras ang kandidatura bilang VP.
Naghain ng certificate of candidacy (COC) para sa posisyon ng vice president si Mayor Sara, bilang kapalit ng umatras na si Lyle Uy ng partidong Lakas-CMD.
Hindi personal na naghain ng kaniyang COC si Mayor Sara sa Commission on Elections. Si Atty. Charo Munsayac, ang nagsumite nito sa komisyon bilang kinatawan ng alkalde.
Makaraang maihain ang COC ni Mayor Sara, naglabas ng resolusyon ang Partido Federal ng Pilipinas (PFP), ni presidential aspirant at dating senador Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., para ideklarang katandem niya o vice presidential bet si Mayor Sara.
Sen. Bato, atras din
Iniatras din ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa ang kaniyang certificate of candidacy (COC) bilang kandidatong pangulo sa May 2022 elections.
Si Dela Rosa ang standard bearer ng partido ng administrasyon na PDP-Laban, na paksyon ni Energy Secretary Alfonso Cusi.
"It's a party decision nga. I was ordered by the party to withdraw, so I had to withdraw," pahayag ng senador na personal na inihain sa Comelec ang kaniyang pag-atras.
Bong Go, tatakbong Pangulo
Mula sa pagiging vice presidential aspirant, posisyon na ng pangulo ang tatakbuhan naman ni Sen. Christopher “Bong” Go.
Iniatras ni Go ang kaniyang COC sa pagka-bise presidente, at naghain naman ng COC bilang presidential candidate.
Tatakbo si Go bilang standard bearer ng Pederalismo ng Dugong Dakilang Samahan (PDDS), na pinamumunuan ni senatorial aspirant Greco Belgica.
Pinalitan ni Go bilang standard bearer ng naturang partido si Grepor Belgica.
Una rito, naghain ng COC si Go sa pagka-bise presidente sa partidong PDP-Laban na paksiyon ni Cusi.
Ang isa pang paksiyon ng PDP-Laban ay pinamumunuan nina Sens. Koko Pimentel at Manny Pacquiao, na kandidatong pangulo ng partido.
Nakabinbin sa Comelec ang petisyon kung kaninong paksiyon ng PDP-Laban ang kikilalanin ng komisyon sa Eleksiyon 2022.
Duterte vs Duterte sa VP?
Samantala, kasama ni Go sa Comelec nitong Sabado si Pangulong Rodrigo Duterte, at ilan pang miyembro ng Gabinete.
Ayon sa nakatatandang Duterte, tatakbo siyang bise presidente sa darating na halalan, sakabila ng nauna niyang pahayag noong nakaraang buwan na magreretiro na siya sa pulitika.
"Magba-vice," tugon ng pangulo nang tanungin ng mga mamamahayag kung tatakbo siyang senador sa 2022 elections.
Sinabi naman ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar na babalik sa Comelec si Duterte sa Nobyembre 15, para ihain ang COC sa pagka-bise presidente.
Sa Nov. 15 ang deadline para sa withdrawal at substitution ng mga kakandidato sa halalan.--FRJ, GMA News