"Ang paghahari ng Diyos ay katulad ng isang nakatagong kayamanang nakabaon sa isang bukid. Nahukay ito ng isang tao at tinabunan uli. Sa laki ng kaniyang tuwa, siya'y humayo at ipinagbili ang lahat ng kaniyang ari-arian at binili niya ang bukid na iyon". (Mateo 13:44).
Naniniwala ba kayo sa kasabihan na ang tao ay nagpapakatapat o nagpapaka-loyal sa mga kayamanan dito sa ibabaw ng lupa katulad ng salapi at iba pang materyal na bagay?
Subalit ang kayamanan dito sa mundo ay hindi kailanman magiging tapat o loyal sa tao. Kapag naubos na ang ating kayamanan at iba pang materyal na bagay, kailangan na naman natin magsikap at magbanat ng buto para mabawi ang mga kayamanang nawala sa atin. Sukdulang mawalan na siya ng panahon para sa kaniyang sarili, sa pamilya at maging sa Diyos.
Hindi ipinagbabawal ng Panginoon ang pagkakaroon natin ng kayamanan sa lupa. Ang hindi lamang Niya kinalulugdan ay iyong ipagpalit na natin ang Diyos sa kayamanan na materyal na bagay.
Ikalulugod ba ng Panginoon na mawala ang ating katapatan sa totoong Diyos at ang mga materyal na bagay ang mistulang sinasamba at dinadakila natin?
Ipinaliwanag ng Talata mula sa Sulat ni San Mateo (Mt. 13: 44-46) na ang paghahari ng Diyos ay katulad ng isang "kayamanang nakabaon sa isang bukid".
Sa natunghayan nating kuwento, tuwang-tuwa ang lalaki matapos niyang matagpuan at mahukay ang kayamanang nakabaon sa lupa. Dahil para sa kaniya, ito ang totoong kayamanan na hindi kailanman mawawala sa kaniya.
Ang natuklasang kayamanang para sa kaniya ay isang pag-aari na hinding-hindi mababawasan. Bagkos, lalo pang madadagdagan at yayabong. Kumpara sa kayamanan dito sa lupa na nababawasan at lumilipas.
Kapag natagpuan natin ang kayamanang ipinagkakaloob sa atin ng Panginoong Diyos, hahangarin mo pa ba ang kamayaman sa lupa at mga materyal na bagay na batid natin na madaling naglalaho, nawawala at maaaring manakaw?
Winika ni Hesus mula sa Sulat ni San Mateo na, "Huwag tayong mag-impok ng kayamanan dito sa lupa. Dahil dito'y may naninirang insekto at kalawang, at may nakakapasok na magnanakaw". (Mt. 6:19)
Ang kayamanan dito sa lupa ay hindi katulad ng kayamanang inaalok sa atin ng Panginoong Diyos. Dahil makakamit lamang natin ang kayamanang ito kung sisimulan nating magbalik-loob sa Kaniya, magsisi sa ating mga kasalanan at magtitiwala sa Diyos ng buong puso.
Kapag nagawa natin ang mga bagay na ito, dito natin mapagtatanto na ang totoong kayamanan ay hindi ang mga bagay na kumukupas, kundi ang kayamanang pagkakaroon ng HesuKristo sa ating buhay na magliligtas sa atin mula sa kasalanan.
Sa ating buhay, mas kinagigiliwan pa natin ang kayamanang nahahawakan ng ating mga kamay. Kaysa sa kayamanang nagbibigay ng kaligayahan sa ating mga puso at nagdudulot ng kapayapaan sa ating buhay.
Manalangin Tayo: Panginoon. Nawa'y matagpuan din ng mga kapatid naming naliligaw ng landas ang nakabaong kayamanan na alay Mo. Upang sa ganoon ay maghari sa kanilang buhay ang kapayapaang na Iyong ipinagkakaloob. AMEN.
--FRJ, GMA News