Sa mga nag-aakalang may "sayad" ang sinasabing "nuisance" o panggulong kandidato na si Rolando Plaza, aka "Rastaman," think again dahil sa malalalim na hugot niya sa mga usapin sa ating bansa--lalo na sa korupsiyon.
Noong 2018, naghain si Plaza ng kaniyang certificate of candidacy para tumakbong senador sa 2019 mid-term elections. At nitong nakaraang Oktubre, muli siyang naghain ng COC para naman tumakbong presidente.
Itinuturing na nuisance ang mga aspiranteng walang kakayahang maglunsad ng isang malawakang kampanya lalo na kung sa posisyon na pang-nasyunal ang tatakbuhan.
Noon pa mang 2018, marami na ang naaliw kay Plaza o Rastaman dahil sa mga tattoo niya sa mukha at pagpapakilala niya bilang "Half human, half zombie, yo!"
Bukod sa kaniyang meme, may gumawa na rin ng kanta mula sa mga pahayag niya na "Wat You Gonna Do...Ang motorcycle ko may pakpak yo!..." at may dance cover pa.
Lumaki sa Davao si Plaza pero naninirahan na siya ngayon sa Bulacan. Nag-aral siya para maging seaman at nagtrabaho sa Saudi Arabia.
Nagkahiwalay sila ng kaniyang asawa at mayroon siyang dalawang anak: isang nagtatrabaho sa call center at isang bartender sa Dubai.
Sa ngayon, nagbubuntingting o gumagawa ng iba't ibang sirang gamit si Plaza na malaking tulong sa kaniyang mga kapitbahay.
Giit ni Plaza sa panayam ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," hindi siya nuisance candidate.
"Nuisance. Eh malinaw naman 'yung adbokasiya ko eh," giit niya.
"My [advocacy] is against China. You are entering our territory. You must get out of our territory."
Sa isyu ng death penalty, tutol si Rastaman dahil kawawa umano ang mga mahihirap. Ang baybay daw ng "mahirap" ngayon--mahiRIP, dahil pinapatay ang mahihirap.
Pabor naman siya sa reproductive health, divorce, at same-sex marriage.
Dapat daw payagan ang mga mag-asawang laging nag-aaway na maghiwalay. Habang kung magiging masaya naman ang magkapareho ang kasarian bilang mag-asawa, bakit hindi sila hayaang magpakasal.
Tutol din si Rastaman sa martial law, political dynasty at federalism, na tinawag niyang para lang mayayamang bansa.
Isa pang pinaghuhugutan ng inspirasyon ni Rastaman sa pagkandidato ay ang batang babae na si Jam, na anak ng kaniyang kapitbahay.
Lubhang malapit daw kay Rastaman si Jam, na nagkasakit noon at muntikan nang mamatay.
Ang pagkakalagay ni Jam o "Rastagirl," sa bingit ng kamatayan, iniuugnay niya sa katiwalian.
"Mas gugustuhin ko pang ako ang unang mamatay kasi napakasakit kung makita ko sa bisig ko walang malay ang mahal mo sa buhay dahil sa korupsiyon na nangyayari," pahayag niya.
"'Yung pera dapat sa taong bayan, nasa medisina, sa pag-aaral. Doon dapat napupunta ang pera ng tao," patuloy pa ni Rastaman.
Sinabi ni Princess na ina ni Jam, talagang gusto ni Rastaman na maglingkod dahil ganun niya kamahal ang Pilipinas.
—FRJ, GMA News