Parang eksena sa pelikula ang ginawang pagtugis ng mga awtoridad sa isang lalaki na tumangay sa isang van sa Florida, USA. Ang suspek nang masusukol na, tumalon sa ilog mula sa tulay para makatakas.

Sa video ng Lee County Sheriff's Office, na ibinahagi sa Storyful at mapapanood sa GMA News Feed, makikita ang matulin na pagtakbo ng van na minamaneho ng suspek na si Bryan Gray, 34-anyos.

Ilang saglit pa, sumalpok ang sasakyan sa gitna ng tulay kaya ito tumigil. Kalaunan, lumabas ang suspek at pumunta sa gilid ng tulay.

Hindi pa man nakalalapit ang pulisya, tumalon ang suspek sa ilog.

Lumutang at namataan si Gray sa tubig, at nakita ang paglangoy niya papunta sa isang bahagi ng tulay.

Agad namang na-dispatch ang Marine Unit ng Fort Myers Police Department at nadakip nila si Gray.

Sinabi ng mga awtoridad na matapos imaneho ang ninakaw na van, hinarang si Gray ng mga pulis sa isang traffic stop pero nagtuloy-tuloy siya, kaya siya hinabol.

Isinugod sa ospital ang suspek, na maayos na ang lagay.

Bukod sa kasong grand theft auto, nahaharap din ang suspek sa mga reklamong fleeing at eluding.

Walang paliwanag ang suspek kung bakit niya ninakaw ang van.
--FRJ, GMA News