Ang punerarya ang isa sa mga negosyong bihirang pasukin ng mga tao dahil sa "takot" at hindi komportable na mag-asikaso sa katawan ng isang namayapa para ilibing o i-cremate. Pero ang isang pamilya sa Bulacan, nagtiyaga at pinalago ang kanilang negosyo hanggang sa makilala sila sa kanilang lugar.
Sa "Stories of Hope," ikinuwento ni Ferdinand De Guzman, manager ng isang funeral home, na taong 1970 nang umpisahan ng kaniyang ina na Norma Villarin-De Guzman ang negosyong punerarya.
Nagsimula sila sa sasakyang kalabaw, hanggang sa gumamit sila ng tricycle at kalauna'y naging sasakyan na sa pagdadala ng mga bangkay.
Sinabi ni Nanay Norma, na housewife siya noon nang pahanapin siya ng kaniyang mga magulang ng puwesto at bibigyan siya ng puhunan.
Nagsimula ang kanilang serbisyo sa P20, hanggang sa naging P500-P800 na ito.
Kalaunan, sumikat na si Nanay Norma sa pag-e-embalsamo.
Ngayon, lisensyadong embalsamador ang mga anak ni Nanay Norma, habang tapos ng nursing ang kaniyang mga apo pero pumasok na rin sa pag-e-embalsamo.
Ayon kay Ferdinand, galing sa Amerika o China ang kanilang mga imported casket.
Naglalaro ngayon sa P200,000 ang kanilang funeral service. Mula sa mababa na P55,000, umaabot ang presyo ng kanilang mga kabaong sa P85,000 hanggang P90,000 kung ito ay may second metal, at P150,000 kung ito ay imported.
Ayon sa embalsamador na si Ton De Jesus, humina ang kanilang negosyo nang magsimula ang pandemya dahil dumalang ang mga burol.
Pero nakabawi naman sina Ferdinand nang lumipat ang mga tao sa cremation.
Alamin sa "Stories of Hope" kung bakit gusto ng mga kliyente ang serbisyo ng punerarya nina Nanay Norma, at paano ang pagproseso sa pag-e-embalsamo sa gitna ng COVID-19 pandemic. Panoorin.
--FRJ, GMA News