Maliit man sa paningin, pero hindi dapat balewalain ang insektong "kissing bug" dahil maaaring malagay sa peligro ang buhay ng taong makakagat nito.
Sa isang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," makikita ang kissing bug na maitim ang kulay at madugo umano kapag pinalo ng bagay.
Ang magkapatid na Lei at Sophia, hindi nakaligtas sa kissing bug at namula ang iba't ibang parte ng katawan nang makagat sa kanilang bahay.
Pero mas matindi ang naging epekto kay Lei na nagkaroon ng allergic reaction at kinailangang dalhin sa ospital.
Dahil din sa kagat ng kissing bug, nag-agaw-buhay din sa ospital ang 23-anyos na si Gerrymie, dahil din sa allergy na dulot ng naturang insekto.
Ayon kay Gerrymie, inakala niya noong una na inaatake lang siya ng high blood. Hanggang sa isugod na siya sa ospital at idineklarang kritikal ang lagay.
Nakagat naman sa mata si Ricanel, at namaga ang kalahati ng mukha dahil din sa kagat ng kissing bug.
Nang hindi bumuti ang kaniyang kalagayan matapos lagyan ng ointment ang matang kinagat, dinala na si Ricanel sa ospital.
Saan nga ba nanggaling ang kissing bug at bakit ganito ang pinsalang idinudulot niya sa kaniyang mga nakakagat? Alamin ang mga kasaguta sa video ng "KMJS" upang makapag-ingat. Panoorin.
--FRJ, GMA News