Isang lalaki na ilang araw na umanong hindi makatulog dahil sa iniindang kondisyon ang umakyat sa isang tore ng kuryente at nagtangka pa raw tumalon sa Pilar, Sorsogon.
Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bicolandia, na mapapanood din sa GMA News Feed, makikita ang sigawan ng ilang residente dahil sa pag-akyat ng naturang lalaki, na kinukumbinsi rin ng iba pang kalalakihan na bumaba na para sa kaniyang kaligtasan.
May isang pagkakataon pa na nagtangkang tumalon ang lalaki mula sa tore.
Nakaakyat na ang lalaki ng may taas na 30 metro nang dumating ang mga bumbero na sumagip sa kaniya.
"Una ma'am hindi talaga puwede mapakiusapan kasi ayaw niya na may mga taong nanonood. Kaya natagalan doon, kasi ayaw niyang may aakyat. Ayaw niyang may makikitang tao," sabi ni Fire Inspector Froilan Evasco ng BFP Pilar Sorsogon.
Kasamang tumulong ang Municipal Disaster Risk Reduction Office sa rescue operations, kung saan inabot ng tatlong oras ang pakikipag-usap ng mga awtoridad sa lalaki bago ito nakumbinsing bumaba ng tore.
Ilang saglit pa, ligtas na naibaba ng rescuers ang lalaki at naibalik ito sa kaniyang pamilya.
Sinabi ng ina ng lalaki na ilang araw nang hindi nakatutulog ang lalaki dahil sa kondisyon niyang epilepsy, dahilan kung bakit siya tuliro.
Napatingin na rin ang lalaki sa isang psychologist.
"Magulo talaga ang isip niya kasi nagwawala na siya. Hindi niya alam kung ano ang ginagawa niya," anang ina ng lalaki.
Nakiusap ang nanay ng lalaki na iwan na lang sa kaniyang poder ang kaniyang anak, habang pinasalamatan niya ang rescuers.
Kung may kakilala na kailangan ng makakausap, tumawag sa Hopeline sa numero (02) 804-4673 o 09175584673, o sa NCMH hotline na 1553 o 0966-351-4518, 0917-899-8727, or 0908-639-2672.
--FRJ, GMA News