Hindi lang isa, kung hindi tatlong sawa umano ang namataan sa isang public market sa Tagbilaran, Bohol. Ang isa nga sa mga ito, pinagkaguluhan nang pumulupot sa kable ng kuryente.
Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ipinakita ang viral video na malapit sa Cogon public market, na nagkakagulo ang mga tao habang nakatingala sa sawang nakapulupot sa kable.
Sa laki ng sawa, kitang-kita ito sa kable na tila hinihigpitan ang pagkakapulupot para hindi mahulog.
Pero hindi rin nagtagal, nalaglag ang sawa at kaagad na hinawakan ng isang tindero sa buntot para hindi makawala.
Sa laki ng sawa na may tatlong metro ang haba, apat katao ang nagtulong-tulong para mailagay ito sa sako.
Ngunit sa halip na ikulong, ipinakawalan nila ang sawa sa puno ng balete na nasa palengke.
Pero hindi ito ang unang pagkakataon na may nakitang sawa sa lugar. Bago nito, isang sawa rin ang nahuli na kumain naman daw ng pusa.
At nitong Huwebes lang, isa na namang sawa ang nakita naman sa kisame.
Ang isang security guard sa lugar, minsan na raw natuklaw ng sawa sa paa nang muntik na niya itong maapakan.
Pero bakit nga ba tila maraming sawa sa naturang palengke at ano ang dapat gawin kapag nakakita nito? Panoorin ang buong istorya sa video ng "KMJS."
--FRJ, GMA News