Kilala bilang dating child actor at nakatanggap pa ng parangal sa Metro Manila Film Festival (MMFF) at FAMAS, isang proud online seller at delivery rider ngayon si Lester Llansang. Gayunman, hangad pa rin niyang makabalik sa showbiz.
Sa programang "Tunay Na Buhay," muling binalikan ang buhay ni Lester bilang child actor, na nakasama sa mga pelikula tulad ng pagganap niya bilang si Ding sa "Darna: Ang Pagbabalik" noong 1994.
Natanggap naman ni Lester ang Best Child Actor Award mula sa MMFF at FAMAS para sa pelikulang "Saranggola."
Pero nang magbinata, dumating si Lester sa awkward stage ng kaniyang showbiz career.
"Nagma-mature na 'yung hitsura, even 'yung galaw, 'yung pag-arte. Parang hindi na ako mailagay sa role na anak. So noong makita nila na medyo alanganing stage nag-lie low ako nang kaunti," kuwento niya.
"Kasi ang naging roles ko na, adik. Hindi naman ako puwedeng ilagay as tatay. Doon nag-struggle nang kaunti 'yung career bilang artista," sabi pa ni Lester.
Nakatakda sanang bumalik si Lester sa showbiz noong nakaraang taon sa isang TV project sa ibang estasyon pero nagsara ito at isa siya sa natanggal sa programa.
"Na-depressed talaga ako, sobrang nanahimik lang ako sa bahay, gita-gitara lang ako doon," sabi ni Lester, na hindi naman daw iniwan ng kaniyang mga kaibigan.
Ngayong pandemya, pinasok ni Lester ang online selling, kung saan siya rin mismo ang nagde-deliver sa kaniyang mga buyer para dagdag kita.
"Hindi talaga, hindi talaga [ako nahihiya]. Masaya ako sa ginagawa ko eh, okay sa akin 'yun, tsaka hindi siya rider lang. Lalo ngayong pandemic, talagang kailangan natin sila," sabi ni Lester.
Tunghayan ang buong kuwento ni Lester sa video na ito ng "Tunay Na Buhay."
--FRJ, GMA News