Hindi nagpaapekto si Hesus sa mga taong naninira sa Kaniya. Sa halip ay itinuon Niya ang pansin sa Kaniyang misyon (Lucas 11:15-26).
Sa panahon ngayon ng social media, madaling maapektuhan ng tao kapag may pumupuna o bumabatikos sa kaniyang mga ginagawa kahit pa nakatutulong sa iba.
Pero sa halip na magpaapekto sa mga puna, dapat natin itong gamitin bilang isang hamon upang lalo tayong magsikap at magpursige.
Sapagkat kung magpapadala tayo sa kanilang mga negatibong komentaryo, lalo lamang tayong manlulumo at makararamdam ng demoralisasyon sa sarili. Hanggang sa tuluyan tayong bumagsak at tumigil na lang sa ginagawa.
Matuto tayo sa ating Panginoong HesuKristo na hindi basta nagpaapekto sa mga taong naninira sa Kaniya.
Ano ba ang ginawa ng ating Panginoon nang sa panahon iyon ay may mga naninira sa Kaniya (kasama na ang mga pinunong Judio), ipinagpatuloy lamang ni HesuKristo ang Kaniyang misyon.
Ang mahalaga para sa Kaniya ay ang katuparan ng Kaniyang misyon dito sa lupa na ipinapagawa sa Kaniyang Amang nasa Langit. Kung sa panahon ngayon, para bang "who you?" ang inabot ng mga "basher" ni HesusKristo.
Hindi nga pinansin ni Hesus ang mga pang-iinsulto sa Kaniya. Sa halip ay itinuon Niya ang Kaniyang atensyon sa Kaniyang Ministeryo. Kung papatulan kasi Niya ang mga naninira sa Kaniya, maaaring hindi Niya matutupad ang Kaniyang tungkulin at obligasyon-- ang iligtas ang mga tao mula sa pagkakasala upang matamo nila ang buhay na walang hanggan.
Ganito ang mababasa sa Mabuting Balita (Lucas 11:15-26) matapos akusahan si Hesus na kaya lamang Siya nakapagpapalayas ng demonyo ay dahil sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Beelzebul, ang pinuno ng mga demonyo. (Lk. 11:15)
Gayunman, ipinaliwanag sa kanila ng ating Panginoon na nagpapalayas Siya ng demonyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos. (Lk. 11:20)
May kasabihin nga na, "you cannot please everybody" at "damned if you do damned if you don't." Ang ibig sabihin nito, kahit ginawa mo na ang lahat ng paraan para lamang makatulong sa mga tao, may mga hindi pa rin matutuwa.
Kaya inaanyayahan tayo ng Pagbasa na tumulad sa ating Panginoong Hesus, na gawin lang ang nararapat kahit ano pa ang sabihin ng iba. Lalo pa kung ang nais mong gawin ay makatulong sa iba.
Tandaan lamang natin na kahit anong paninira at panlilibak ang gawin ng ibang tao sa atin, hindi sila magtatagumpay kung ang ating ginagawa ay para sa ikalulugod ng Panginoong Diyos.
Manalangin Tayo: Panginoon, tulungan Mo po sana kaming huwag masiraan ng loob sa tuwing kami ay pinagsasalitaan ng hindi maganda ng aming kapuwa. Sa halip, ipinagdadasal namin sila na sana ay maliwanagan sila ng isip at makilala Ka nila. AMEN.
--FRJ, GMA News