Isa na namang matagumpay na paghahanap ang nasaksihan sa "Kapuso Mo, Jessica Soho" matapos ihayag ang resulta ng DNA test ng FIlipino-Australian na si Alvin na nawala noong 1989 at ang mga nagpapakilala niyang kapatid.
Ilang linggo mula nang maitampok sa "KMJS" ang kuwento ng 38-anyos na ngayon na si Alvin Bachli, na nawala noong 1989, ilang pamilya ang nagpahayag na posibleng sila ang hinahanap nitong kaanak.
Naninirahan na ngayon si Alvin sa Australia matapos siyang ampunin ng isang Pinay teacher at asawa nitong Australyano na hindi magkaanak.
Ayon kay Alvin, mula nang maitampok ang kaniyang kuwento sa paghahanap sa kaniyang tunay na kaanak sa Metro Manila, marami ang nagpapadala ng mensahe sa kaniya pero hindi niya kaagad sinagot.
Kuwento noon ni Alvin, anim na taong gulang lang siya nang mawala matapos ayahin ng mga kaibigan na maglakad. Pero hindi na siya nakauwi matapos silang maligaw at iniwan pa ng mga kaibigan.
May nakakuha sa kaniyang jeepney driver hanggang sa madala siya sa Bulacan, at mapadpad sa kanlungan ng mga bata sa Angele City sa Pampanga.
Kinalaunan ay inilagay na siya sa listahan na for adoption nang wala nang naghahanap sa kaniya.
Dito na siya inampon ng Pinay teacher at dinala siya sa Australia.
Doon na rin nagkaroon ng bagong buhay si Alvin, at naging matagumpay sa buhay.
Gayunman, hinahanap-hanap pa rin ni Alvin ang kaniyang tunay na pamilya.
Nang maitampok ang kaniyang kuwento sa "KMJS," dito na may nagpakilalang posibleng mga kamag-anak niya. Ang isa sa mga ito ang nakapagbigay ng ilang impormasyon na hindi niya inasahan na naging dahilan para siya maging emosyonal.
Sa palitan ng kanilang pag-uusap via video call, nagtutugma ang kuwento ni Alvin at ng dalawang babae na nagpakilalang kapatid niya tungkol sa mga naaalala niyang mga insidente.
Kabilang na rito ang pagkakaputol ng isang daliri ng isa niyang kaibigan, at sa batang kambal noon na binato niya ng bato.
Sa resulta ng DNA test, walang duda na kapatid nga ni Alvin ang dalawang babae.
Bagaman ikinalungkot niya nang malaman na pumanaw na ang kanilang mga magulang, masaya pa rin siya na mahanap na ang kaniyang pamilya na hindi nawalay sa kaniyang isipan.
Ngayon natapos na ang paghahanap ni Alvin, ano ang plano niyang gawin at ano rin ang saloobin ng kaniyang mga magulang na umampon sa kaniya?
Panoorin ang nakaaantig na kuwento.
Samantala, balikan ang iba pang kuwento ng pamilyang nagkawalay pero muling nagkatagpo sa tulong ng KMJS at ng mga manonood. (WATCH: Balikan ang mga pamilyang nagkawalay at muling nagkatagpo sa 'KMJS')
--FRJ, GMA News