Mabenta raw ngayon sa online ang mga mystery parcel na mabibili sa murang halaga. Pero ang laman, mala-linya sa pelikulang "Forrest Gump" na, "like a box of chocolates" dahil... "you never know what you're gonna get?"
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ipinakita ang sako-sako tila basura na laman ng dalawang container van.
Pero hindi naman talaga basura ang mga ito kung hindi mga parcels na nasa yupi-yuping kahon o kaya namanay nakasilid sa plastic.
Bahagi raw ang mga ito ng tinatawag na "mystery parcels" na mabibili sa murang halaga, pero kung susuwertihin ay makakuha ng mga bagay at laruan na mamahalin--pati na mga alahas.
Ang mga mystery parcel ay mga item o produkto na inorder na cash of delivery ang bayad. Pero sa hindi malamang dahilan, hindi ito nakuha ng umorder.
Kaya ang courier, ibebenta na lang ang mga produkto sa mas murang halaga sa mga reseller na katulad ni Abby Atatacap.
Ibebenta naman ni Abby sa isang online shopping site ang mga nabili niyang mga mystery parcels sa mura ding halaga na bulto-bulto pa.
Sa mga nakakabili sa Metro Manila, nagbebenta siya sa halagang mula P135-hanggang P150. Samantalang P200 naman kung nasa probinsiya ang bibili.
Nagulat daw si Abby sa lakas ng benta dahil umaabot sa 1,000 mystery parcel ang kanilang naibebenta sa isang araw, at kumikita sila ng P20,000.
Si Jowehl Gungon na kailangan ng murang cellphone, namakyaw ng 10 mystery parcel sa halagang P139.
Makuha kaya niya ang inaasam na cellphone? At sinusuwerte naman kaya ang lahat ng bumibili nito?
Si Anecita Niez Rosina naman, may nakitang singsing sa nabili niyang mytery parcels. Totoo nga kayang aabot sa mahigit P1 milyon ang nakuha niyang singsing?
Alamin ang mga kasagutan sa video ng "KMJS."
--FRJ, GMA News