Kung nais natin makilala si Hesus, kailangang mapalapit tayo sa Kaniya tulad ng isang kaibigan.(Lucas 9:18-22)
HALIMBAWANG may magtatanong sa inyo kung gaano niyo kakilala si Hesus, ano ang isasagot ninyo?
May ilan kasi sa atin na kaya nananamlay ang kanilang pananampalataya ay dahil hindi nila lubos na kilala si Hesus. Ang alam lamang nila ay Anak ng Diyos si Hesus at hanggang doon na lang.
Kaya katulad nila ang mga binhing nalaglag sa tabi ng daan na madaling naaakit ng kasalanan. Dahil ang salita ng Diyos ay hindi tumitimo sa kanilang mga puso. (Marcos 4:15)
Sapagkat hindi malalim ang kanilang pagkakakilala sa ating Panginoong HesuKristo.
Mababasa natin sa Mabuting Balita (Lucas 9:18-22) na tinanong ni Hesus ang Kaniyang mga Alagad kung ano ang sinasabi ng mga tao tungkol sa Kaniya at kung sino Siya?
Tumugon ang Alagad na ang sabi ng iba: Siya ay si Juan na Tagapag-bautismo, may mga nagsasabi na siya si Elias. At ang iba naman, ang pagkakakilala nila kay Hesus ay isa sa mga propeta nuong unang panahon. (Lk. 9:19)
Samakatuwid, hindi pa nila lubos na kilala si Hesus at maaaring kulang pa ang pagkakakilala nila sa bugtong na Anak ng Diyos na isinugo ng Kaniyang Ama para iligtas sa kasalanan ang mga tao.
Inaanyayahan tayo ngayon ng Pagbasa na upang makilala natin si Hesus. Kailangan natin sikapin na mapalapit sa Kaniya sa pamamagitan ng pagbabalik loob sa Diyos at pagsuko sa Kaniyang kalooban.
Kagaya sa ordinaryong pamumuhay, maaari natin makilala ang isang tao kung magiging malapit na kaibigan natin siya. Lalo na kung madalas natin siyang nakakausap at kung minsan ay napagsasabihan ng ating mga personal na problema.
Kaya hindi imposible na maging malapit na kaibigan din tayo ng Panginoong Hesus. Upang makilala din natin Siya nang lubusan sa pamamagitan ng isang malalim na pagkakakilala.
Mangyayari lamang ito kung lagi tayong mananalangin, magbabasa ng Bibliya at makikinig sa Salita ng Diyos. Para sakaling tanungin din tayo kung gaano natin kakilala si Hesus ay makasasagot tayo ng tama.
Bakit hindi natin subukang kaibiganin si Hesus, at baka Siya ang kaibigan na matagal na nating hinahanap. Hindi lang Siya Mabuting Pastol, kung hindi isang ring Mabuting Kaibigan.
Handa Niya tayong tanggapin sa kabila ng napakarami nating kasalanan. At nakahanda Siyang damayan tayo kahit anomang oras.
Ngunit tandaan lamang natin na ang pakikipagkaibigan kay Hesus ay dapat panglahat ng panahon, at hindi lang kapag may kailangan tayo o problema.
Ayon nga sa isang awitin: "Kung ikaw ay nag-iisa at nalulumbay. Dahil sa hirap mong tinataglay, kung kailangan mo ng karamay. Tumawag ka at Siya ay naghihintay, Siya ang iyong kailangan, sandigan, kaibigan mo. Siya ang araw mong lagi at karamay mo kung sawi. Siya ay si HESUS sa bawat sandali."
Manalangin Tayo: Panginoong Hesus, nais po namin na makilala ka pa namin nang lubusan. Nawa'y tanggapin Mo po kami bilang kaibigan kahit kami ay makasalanan. AMEN.
--FRJ, GMA News