Sa "Sumbungan Ng Bayan," dumulog ang isang netizen para magtanong kung maaari nang gawing basehan ang private message bilang "last will" kung halimbawang maysakit na ang isang testator, tulad ng stroke.
Ayon kay Atty. Kristjan Gargantiel, dalawa ang klase ng will sa Civil Code, ngunit hindi kasama rito ang private message.
Una ang notarial will kung saan humaharap ang isang testator at tatlo niyang testigo sa notary public para ihayag ang kaniyang huling habilin tulad sa mana.
Dapat na sinusunod ng isang notarial will ang prescribed forms, tulad ng page numbers, notarization, at kailangang may pirma ang bawat pahina ng testator at ng kaniyang mga testigo.
Kung hindi nakasunod sa prescribed forms ang notarial will, hindi papayag ang hukuman na maging mode of transferring o transition ito ng ari-arian mula sa isang may-ari sa isa pang may-ari.
Kung nahihirapan ang isang testator na gumawa ng notarial will dahil sa kaniyang karamdaman o kondisyon, pinapayagan pa rin ang pag-assist sa kaniyang pag-execute.
Isa pang klase ang holographic will, na kailangang buong sulat kamay ng testator.
Dagdag ni Atty. Joseph Cerezo, kailangan pa ring dumaan sa proseso ng probate o pagdadala sa korte ng notarial o holographic will para patunayang ito ang last will and testament ng isang yumao.
Panoorin sa video ang pagtalakay sa usapin.
--FRJ, GMA News