Sa kanilang edad na 64 at 74, dapat na nagre-relax na lang sina Lola Gloria at Lola Luisa para ma-enjoy ang kanilang buhay. Pero dahil balo na sila at may kaniya-kaniyang pamilya na ang mga anak, kailangan nila kumayod pa rin para may pambili sila ng kanilang pagkain at hindi maging pabigat sa iba.
Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," itinampok ang buhay nina Lola Gloria at Lola Luisa, na kahit mga senior citizen na ay naninisid pa rin ng "tirik," o sea urchin sa Boracay.
Ang dalawa, lumulusong sa dagat bago pa tumirik ang araw bitbit ang mga sako na paglalagyan ng tirik, at kutsilyo para alisin ang tinik ng tirik at makuha ang laman nito.
Nang araw na manguha ng tirik ang dalawang lola, nakakuha sila ng dalawang sako ng tirik. Pero nang makuha na ang laman nito, umabot lang sa mahigit isang baso ang laman na nabili sa halagang P100.
Ang pera, ipinambili nila ng isang kilong bigas at kape na ginawa nilang pangsabaw sa kanin.
Dati raw masahista ang dalawa sa Boracay, na natigil mula nang magkaroon ng pandemic.
Dahil na rin sa kanilang edad, madali nang ginawin ang dalawang lola, madali nang mapagod at may peligro pang matusok ng tinik.
May pag-asa pa kayang mapagaang man lang ang buhay nina nina Lola Gloria at Lola Luisa, at papaano kaya sila matutulungan ng lokal na pamahalaan?
Tunghayan ang kanilang kuwento sa video ng "KMJS."
—FRJ, GMA News