Tila mapupurnada ang inaasam na bakbakan sa ring ng mga Pinoy na sina Nonito Donaire Jr. at John Riel Casimero; at maging ang sagupaan nina Casimero at Naoya Inoue ng Japan.
Ito ay matapos atasan ng World Boxing Organization si Casimero na kasalukuyang WBO world bantamweight champion, na idepensa ang kaniyang belt laban kay Paul Butler ng United Kingdom.
"The WBO World Championship Committee hereby orders the parties herein commencement of negotiations for the above-mentioned WBO Bantamweight Mandatory Championship Contest. Please be advised that the parties have twenty (20) days upon receipt of this letter to reach an agreement," ayon sa pahayag ng WBO .
Mayroong record si Butler na 33-2, panalo-talo, at 15 sa panalo niya ay via knockouts.
Dalawang beses na rin siyang sumabak sa world title fights pero parehong nabigo.
Naipanalo naman niya ang nakaraang tatlong laban pero hindi maituturing bigatin ang kaniyang mga nakasagupa.
Mas inaabangan ng boxing fans ang posibleng paghaharap nina Casimero at Donaire, na siyang hari sa WBC world bantamweight division.
Nakatakda sanang magsagupa ang dalawa noong nakaraang buwan pero hindi natuloy.
Sa halip, hinarap ni Casimero si Guillermo Rigondeaux, tumalo noon kay Donaire.
Nang manalo si Casimero laban kay Rigondeaux, nagpasaring siya kina Donaire, at sa Japanese boxer na si Inoue, na kasalukuyang World Boxing Association (WBA) at International Boxing Federation (IBF) world bantamweight champ.
Una nang inihayag ni Casimero na may pag-uusap na sa laban nila ni Inoue na maaaring gawin sa Disyembre.
Pero sa isang tweet ni Inoue kamakailan, sinabihan nito sina Casimero at Donaire na ayusin ang kanilang unification fight, at kung hindi ay isa-isa niyang lalabanan ang mga Pinoy.
Sa isa pang tweet, inihayag ni Inoue na hangarin na mapagsama-sama ang lahat ng belt sa bantamweight division bago siya sasabak sa mas mataas na super bantamweight.
Una rito, inatasan din ng WBC si Donaire na harapin ang mandatory challenger sa kaniyang belt na kapuwa Pinoy na si Reymart Gaballo.--FRJ, GMA News