Sa "Sumbungan ng Bayan," dumulog ang isang netizen para ibahagi ang kaniyang karanasan nang pagtsismisan at pandirihan umano siya sa social media ng kaniyang mga kapitbahay nang magpositibo siya sa COVID-19.
Ayon pa sa netizen, nakalabas na siya noon sa ospital at nagsuot ng tatlong face mask at naka face shield pa. Pero pinandirihan pa rin daw siya ng mga kapitbahay na hindi raw nagsusuot ng face mask.
Sinabi ni National Bureau of Investigation Chief for Cybercrime Division Victor Lorenzo, na maaaring pumasok ang ginawa ng mga kapitbahay sa cyberlibel o unjust vexation.
"Dalawa 'yan, depende kung paano pinitch (pitch) 'yung comments sa kaniya at paano finrame (frame) 'yung mga sentences against her," sabi ni Lorenzo.
"'Pag sinabing 'COVID oh! Pandidirihan ito,' puwedeng sa cyberlibel papasok 'yon," dagdag niya.
Sinabi rin ni Lorenzo na mas mataas ang parusa ng cyberlibel sa unjust vexation.
Panoorin ang buong talakayan sa video.
--FRJ, GMA News