Tatakbong pangulo sa Eleksyon 2022 si Manila Mayor Isko Moreno, makakatambal niya si Dr. Willie Ong, ayon sa Manila City Public Information Office.
"Confirmed," sabi ni Julius Leonen, hepe ng Manila-PIO, nang tanungin ng GMA News Online tungkol sa pagsabak ni Moreno sa presidential race sa 2022.
Kinumpirma rin niya na si Ong ang magiging running-mate ni Moreno.
Tumakbong senador si Ong noong nakaraang mid-term election pero natalo.
Nitong Lunes, kinumpirma ni Moreno ang pagkikipagpulong niya kina Vice President Leni Robredo at Senador Manny Pacquiao pero tumanggi siyang sabihin kung ano ang kanilang napag-usapan.
Samantala, nitong Linggo ay tinanggap ni Pacquiao ang nominasyon ng kaniyang grupo sa PDP-Laban na siya ang maging presidential candidate ng partido.
Ang kabilang grupo ni PDP-Laban na pinamumunuan ni Energy Secretary Alfonso Cusi, pinili na maging presidential candidate si Sen. Bong Go at vice presidential candidate si Pangulong Rodrigo Duterte.
Tinanggap ni Duterte ang nominasyon habang tumanggi naman si Go.
Sinabi naman ni Robredo na nakahanda siya sakaling siya ang mapili ng oposisyon bilang "unity candidate" sa panguluhan.
Nauna nang nagdeklarang magkatambal sa panguluhang halalan sina Senador Ping Lacson at running-mate niya si Senate President Tito Sotto.
Sa Oktubre 1-8 ang filing ng certificates of candidacy ng mga kakandidato na gagawin sa tanggapan ng Commission on Elections.--FRJ, GMA News