Ikinuwento ng singer-composer na Lito Camo kay Willie Revillame ang huling pag-uusap nila ng namayapang si Rene "Alon" Dela Rosa, na nasa likod ng hit OPM song na "Pusong Bato."
Pumanaw si Alon noong Setyembre 15, 2021, dahil sa karamdaman.
Sa isang episode ng "Wowowin-Tutok To Win," nagbigay ng tribute si Willie Revillame kay Alon na minsang naging guest sa kaniyang programa.
Kasunod nito ay tinawagan ni Willie ang kaibigang si Lito na kabilang sa mga huling nakausap ni Alon.
Ayon kay Lito, nagpapalitan sila ng text message ni Alon at nabanggit umano ng huli na nagkaroon siya ng lagnat.
Gayunman, sinabi umano sa kaniya ni Alon na maayos naman ang kaniyang pakiramdam. Sumunod nito ay sinabihan siya na medyo nawala na ang lagnat niya pero bigla siyang nanghina.
Hanggang noong Martes bago magtanghali, nag-video call umano sa kaniya si Alon na nanghihina na para ipaalam sa kaniya na maghahanap na sila ng ospital na mapupuntahan.
Ayon pa Lito, maraming ospital ang inikutan para kay Alon pero hindi raw ito na-admit dahil sa punuan na.
"Ang daming ospital na inikutan nila as in sobrang dami," ayon kay Lito, na sinabing inabot umano ng umaga ang paghahanap ng ospital.
Nang sa wakas ay ma-admit na si Alon, naghihingalo na umano ang singer-composer hanggang sa tuluyan nang pumanaw.
Wala pang kompirmasyon kung positibo si Alon sa COVID-19, pero sinabi ni Lito na dapat mag-ingat ang lahat upang hindi magkasakit dahil puno ang mga ospital.
"Kahit may pera tayo na pambayad sa ospital kung wala namang ospital na tatanggap sa atin dahil punong-puno na wala tayong magagawa," paalala niya.
Idinagdag ni Lito na hindi dapat magalit ang mga tao kung nagiging istrikto ang mga opisyal sa pagpapatupad ng health protocols dahil para ito sa kaligtasan ng lahat.
Sinang-ayunan naman ni Willie ang mga sinabi ni Lito, at sinabing dapat mag-ingat para sa kaligtasan ng sarili at mga mahal sa buhay. --FRJ, GMA News