Isang batang babae na tatlong-taong-gulang ang nasawi matapos mabulunan sa kinaing jelly candy sa Gabaldon, Nueva Ecija. Sa mga ganitong sitwasyon, alamin ang mga dapat gawin para mailigtas ang biktima.
Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Huwebes, sinabing hindi na nagpaunlak ng panayam ang mga magulang ng bata.
Pero paborito raw ng bata ang naturang candy na binibili ng ina.
Sa ganitong sitwasyon, nagbigay ng payo ang duktor kung ano ang dapat gawin sa mga taong nabulunan at nahihirapang makahinga.
Pero depende umano sa edad ng biktima ang dapat na gawing hakbang upang maisalba ang buhay ng taong nabulunan.
Una, dapat suriin ang bibig ng biktima at alamin kung malalim na ang kinalalagyan ng nakaing bagay.
Kung malalim na at hindi kayang dukutin, dito na gawin ang ilang paraan upang subukang mailabas ang nakabarang bagay sa lalamunan.
Kung ang biktima ay isang-taong-gulang pababa, gawin ang "back blows," o nakadapa ang pasyente habang tinatapik ang likod.
Kung hindi pa rin maalis ang nakabarang bagay, subukan ang "abdominal thrust" pero nakatihaya ang bata habang kalong. Sa ganitong paraan, maingat na dinidiin ang ibabang bahagi ng rib cage ng sanggol.
Samantala, kung edad dalawa pataas ang biktima, gawin ang "abdominal thrust." Pero sa pagkakataon ito, nakatayo ang pasyente, habang nakayakap mula sa likod ang taong tumutulong sa kaniya.
Ilalagay ng taong sumasagip ang isa niyang kamay na nakasara, at itutulak ng isa pang kamay papasok sa sikmura para maisuka ng biktima ang nalunok na bagay.
Nito lang nakaraang linggo, itinampok sa "Kapuso Mo, Jessica Soho" ang insidente sa Cavite na nabulunan din ng kendi ang isang lalaking 10-taong-gulang pero nakaligtas siya sa tulong ng ginawang abdominal thrust ng kaniyang ina.
--FRJ, GMA News