Oh 'di ba? Hindi lang pampa-good vibes ang hatid ng viral online seller na si Daisy Cabantog, o Madam Inutz, dahil malaki rin ang puso niya sa pagtulong sa isang lalaki na gumagawa ng paraan para maipagamot ang pamangkin sa pamamagitan ng kaniyang pagguhit.
Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" nitong Linggo, napag-alaman na dalawang-buwang-gulang pa lang ang pamangkin ni Christian na si Lira pero kasalukuyang nakaratay sa ospital.
Nahirapan daw noon na humingi ang baby kaya dinala nila sa pagamutan at doon ay kaagad na "tinubuhan."
"Pagdating po namin dun sa ospital, bigla po na siyang tinubuhan agad-agad. Kasi po sabi ng doctor kung hindi daw po namin 'yun nadala, bale wala na po si Baby Lira," kuwento niya.
Minsan na rin daw na tumigil ang tibok ng puso ni Lira pero nagawa siyang ma-revive.
"Noong sinabi po na nine minutes wala na siya, iyak po ako nang iyak Sabi ko, Lord, kung plano mo po na buhayin si Baby Lira, babalik po ako sa church namin, sa pagkakanta," saad ni Christian.
Kailangan pa rin ni Lira na manatili sa pagamutan kaya lumalaki rin ang gastusin ng bata.
Dito na sinimulan ni Christian na tumanggap ng mga kliyente na nais magpa-drawing o portraint, sa halagang hindi bababa sa P1,000 para may pandagdag sa pambayad sa ospital.
"'Yung katawan ko ang payat-payat na po kakapuyat para makatapos ng dalawang drawing or tatlong drawing sa isang araw," saad niya.
Dahil sa pandemic, naging mahirap ang buhay nila dahil apektado ang kanilang mga trabaho sa pamilya.
Napag-alaman na naging tagahanga siya ni Madam Inutz nang malaman nito ang kaniyang kuwento na inaalagaan ang maysakit na ina.
Kaya naman ginawan niya ng portrait si Madam Inutz, kabilang ang iba pang personalidad kasama si Pinoy rapper na si Gloc 9 at Olympic gold medalist na si Hidilyn Diaz.
Ang hindi alam ni Christian, nakarating sa kaalaman ni Madam Inutz ang tungkol sa kaniya at ang ginawa niyang portrait.
Kaya si Madam Inutz, tumulong na ibenta ang mga obra ni Christian sa live selling. Mayroon naman kayang mag-mine! sa mga drawing o puro na naman mga pabati lang?
Alamin ang resulta ng live selling at ang mensahe ni Madam Intuz kay Christian sa video ng "KMJS." Panoorin.
Sa mga nais namang tumulong para kay Baby Lira, maaaring magdeposit sa:
UNIONBANK
BRANCH: 130 Timog Avenue, 1103 Quezon City
Account name: Ana B. Yerro
Account number: 1093 5119 8982
Contact number: 0997 076 5908
—FRJ, GMA News