Sa programang "Pinoy MD," ipinaliwanag ang peligro sa pagbahing nang malakas na maaaring magdulot ng pagkabingi. Kasabay nito, alam niyo bang may mabuti rin palang silbi ang mga tutuli sa ating tainga?

Ikinuwento ng 26-anyos na si Melissa Pingkian na bata pa lamang, mayroon na siyang sinusitis kaya madalas ang pagsakit ng kaniyang ulo at hirap siya sa paghinga.

Sumailalim na sa x-ray ang utak ni Melissa dahil umabot na umano roon ang pagsisipon, at hirap din siya sa pagtulog.

Dahil sa sinusitis, madalas din siyang suminga at bumahing.

At nang minsang mapasinga siya nang matindi, dito na nabingi ang kaniyang kaliwang tainga.

Ayon sa otolaryngologist na si Dr. Jona Minette Ligon, tumataas ang pressure sa loob ng tainga kapag sumobra ang lakas ng pagsinga o labis ang pagpisil sa ilong habang bumabahing.

Magdudulot ito ng otitis media o impeksiyon sa gitnang bahagi ng tainga.

"Ang ating ilong at tainga ay meron silang koneksiyon 'yung tinatawag na eustachian tube. Minsan kapag meron tayong sipon pwedeng mapunta sila sa middle ear natin. Kapag buo ang ating eardrum, maiipt lang siya roon usually o masisipsip ng katawan," sabi ni Dr. Ligon.

"Pero kapag naging malala 'yung naging infection ang nangyayari minsan puwedeng mabutas ang tainga," dagdag ni Dr. Ligon.

Gayunman, tiniis ni Melissa ang kaniyang kondisyon at inabot pa ng tatlong taon bago siya nagpakonsulta sa doktor. Doon niya lang nalaman na meron na siyang perforated eardrum o nabutas o napunit ang kaniyang eardrum.

Bukod dito, mayroon na siyang otomycosis o amag sa tainga.

Sinasabing mas darami pa ang bacteria kapag nagkasugat ang tainga at naging mamasa-masa. Ayon kay Dr. Ligon, posibleng lumabas sa tainga ang sipon na galing sa ilong kapag nabutas ang tainga, na magiging luga o discharge.

Tunghayan sa Pinoy MD ang kahalagahan ng tutuli o ear wax, at kung paano ang tamang paglilinis ng tainga.

-- FRJ, GMA News