Bukas-loob na ibinahagi ng isang 19-anyos na babae ang kaniyang pambihirang kondisyon sa maselang bahagi ng katawan na kung tawagin ay Mayer-Rokitansky-Kuster-Hauser (MRKH) syndrome Type 1.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabi ng babae na itinago sa pangalang "Rossana," na nagkaroon na siya ng limang nobyo pero lahat ay iniwan siya.

Nangangamba si Rossana na baka hindi siya magkaroon ng anak dahil sa kaniyang kondisyon kung saan walang butas ang maselang bahagi ng kaniyang katawan na labasan ng ihi.

Lumitaw din sa pagsusuri na wala siyang matres.

Pakiramdam tuloy ni Rossana, hindi siya kompleto bilang isang babae at kung minsan ay nabibiktima pa ng panunukso.

Ang MRKH ay isang congenital syndrome na hindi maayos na nade-develop ang ari ng babae at bahay-bata.

Sa buong mundo, sinasabing isa hanggang apat sa bawat 5,000 babae ang nagkakaroon ng ganitong kondisyon.

Pero may pag-asa pa kaya upang mabigyan ng solusyon ang suliranin ni Rossana at may pag-asa pa rin kaya siya na magkaroon ng sariling anak?

Panoorin ang buong kuwento sa video ng "KMJS."

--FRJ, GMA News