Hindi na lang isang online game, maaari ding pagkakitaan ang nauusong Axie Infinity, na ginagamitan ng cryptocurrency. Ngunit gaano nga ba ito ka-safe na laruin?
"Because of technology, meron nang tinatawag na cryptocurrencies which are currencies that are just designed by people, anyone, market demand lang. Kapag may gusto, merong bibili, kung wala, puwedeng walang halaga 'yan. Kung may exchange rate ang currency nila, they have their own foreign exchange system talaga para sa mga bangko," paliwanag ni Aya Laraya, Founder ng Pesos and Sense, sa "iJuander."
"Ang malaking pagkakaiba, walang gobyerno behind it," dagdag ni Laraya.
Sa larong Axie Infinity, magsisimula ang isang manlalaro na mayroong tatlong cute na karakter o Axie, na ite-train para magamit sa mga battle.
Kapag nanalo, makakakuha ang manlalaro ng Smooth Love Potion o SLP. Maaari ring makuha ang SLP sa daily quests at adventure, para magamit para makapagparami pa ng Axie.
May katumbas na halaga ang Axie characters, depende sa demand. Kaya mas maraming napalanunang SLP, mas malaki ang kita.
Ayon sa 26-anyos na si Choi Cortes, isang full-time gamer ng Axie Infinity, ang minimum na makukuhang SLP ng isang player ay 150 SLP, na siyang imu-multiply sa halaga ng SLP. Nitong Agosto 26, P7.26 ang halaga ng SLP.
Kaya naman P20,000 hanggang P30,000 ang kinikita ni Choi kada buwan, o P80,000 sa tatlong buwan na paglalaro ng Axie.
Pero para makapaglaro at kumita sa Axie, kailangang maglabas ng pera para bumili ng mga Axie na gagamitin sa team, kung saan ang halaga ay depende sa uri at lakas nito.
"There is a very real risk, we call that volatility. Hindi mo talaga alam kung ano ang mangyayari. Paano kung merong dumating na bagong game na mas hit? 'Yung mga naglalaro nito, lilipat doon. Kapag lumipat na roon, babagsak na 'yung value ng cryptocurrency na ito because walang gobyerno that will keep the value of the currency," sabi ni Laraya.
"You could end up holding nothing," dagdag ni Laraya. --FRJ, GMA News