Habang buhay pa sila, nanawagan sa pamahalaan ng Pilipinas ang nasa 90 Pinoy sa Afghanistan na ilikas na sila matapos maagaw ng rebeldeng Taliban ang kontrol sa naturang bansa.

Nitong Linggo, itinaas ng Pilipinas sa Alert Level 4 ang sitwasyon sa Afghanistan, na nangangahulugan ng mandatory repatriation ng mga Pinoy doon.

Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing 32 Pinoy ang nailikas na at nakarating na sa Doha, Qatar.

Una nang sinabi ng Department of Foreign Affairs na tinatayang nasa 130 ang mga Pilipino na nasa Afghanistan.

Kabilang sa mga Pinoy na naiwan sa Afghanistan si Ricardo Tacbad, na nananawagan na ilikas na sila.

"Hindi kami sure kung ano mangyari sa amin bukas. Habang, we are still alive and kicking, kumilos na po kayo. Kumilos na po kayo please," sabi ni Tacbad.

Nangangamba rin sa kaniyang kaligtasan si Mark Suela, security personnel sa isang hotel na malapit sa Kabul airport.

Ibinahagi niya ang isang video na madidinig ang mga putok ng baril malapit sa lugar niya.

Sa hiwalay na panayam sa "Dobol B TV" nitong Lunes, sinabi ni Joseph Glenn Gumpal, lider ng Filipino community sa Afghanistan, regular silang nag-uusapan para alamin ang updates sa repatriation na gagawin ng gobyerno.

"Talagang kami ay kinabahan din talaga. Panay ang tawag namin sa Philippine Embassy [para tanungin] kailan ba talaga mangyayari ang repatriation kasi natatakot na kami," pahayag niya dahil kilala ang Taliban sa pagpatay at pamumugot.

Lalo raw silang nangamba nang bigla na lang tumakas ng bansa ang pangulo ng Afghanistan.

"Hindi namin alam kung ano ang plano nila (Taliban), kung papasukin nila kami dito sa compound o ano," pahayag niya.

Ayon kay Gumpal, karamihan sa 173 Pinoy sa Afghanistan ay nakatira sa mga compound na pag-aari ng mga kompanya na kanilang pinapasukan.

Sa 173 na Pinoy, sinabi ni Gumpal na 78 sa kanila ang naghihintay sa repatriation ng gobyerno.  Ang iba, sumama sa repatriation efforts ng kani-kanilang kompanya na may nakahandang contingency plan.

Tiniyak naman ng Palasyo na mayroong nakalatag na repatriation program para sa mga Pinoy sa Afghanistan. — FRJ, GMA News