Dating masayahing bata ang anim na taong gulang na si Ranelyn ng Bantayan Island, Cebu. Pero ngayon, isa na siyang buto't balat na ang timbang ay para lang sa isang sanggol. Ano nga ba ang nangyari sa kaniya at papaano siya matutulungan?
Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing nasa pitong kilo lang ang bigat ngayon ni Ranelyn, na para lang sa sanggong na pitong-buwang-gulang.
Pero hindi ganito noon ang hitsura ni Ranelyn ayon sa kaniyang mga magulang.
Larawan siya noon ng isang masigla at masayahing bata.
Ngayon, hirap na siyang tumayo at lagi na lang nakahiga. Hindi na rin niya masuot ang paborito niyang damit dahil napakaluwag na sa kaniya.
"Nu'ng mataba pa siya gusto niya ang mga dress. 'Yang mga shorts ba. Nito, hindi na niya gusto dahil nangayayat na raw siya, nahihiya na kasi siya," sabi ng ina ni Ranelyn na si Jerlyn.
Wala na umanong ganang kumain ang bata at nahihirapan din sa paglunok.
"Minsan pagdating ko dito, mukuwan siya sa akin sasalubong ba. Ngayon, iba na talaga kuwan na parati ng umiiyak. Hindi na marunong tumawa," kuwento naman ni Raul, ama ni Ranelyn.
"Masakit talaga para sa akin. Hindi ko matanggap na nagkaganyan ang anak ko ngayon iba talaga sa dati. Parang biglaan talaga," patuloy niya.
Sinisisi ni Jerlyn ang sarili sa nangyari sa anak.
"Akin na lang sana 'yan. Akin ngang sinisi aking sarili. Akin na lang dinadasal sa Panginoon, 'Huwag Mo sana siyang kukunin dahil gusto ko pang makita aking anak,'" saad niya.
Construction worker lang si Raul, at natigil pa sa trabaho dahil sa pandemya. Kaya naman hirap na hirap sila kung saan kukuha ng pambili ng makakain.
Ayon sa Food and Nutrition Research Institute, dalawa sa bawat 10 bata ang nabawasan ang timbang dahil sa pandemic. At may kinalaman din ang kawalan ng hanapbuhay sa bansa.
Inihayag naman ng National Nutrition Council na tumaas sa 13.6% ang antas ng nagugutom sa Pilipinas, o katumbas ng 3.4 milyon na pamilya.
Ayon sa mga magulang ni Ranelyn, nagsimulang mangayayat ng kanilang anak bago pa man magkaroon ng pandemya.
Para maipakonsulta noon ang anak, kinailangan nilang magbenta ng ilang gamit tulad ng TV at cell phone. Gayunman, sinabi ng duktor sa kanilang lugar na sa mas malaking ospital dapat madala si Ranelyn dahil sa kaniyang kondisyon na chronic malnutrition.
Dahil sa kakulangan sa pasilidad ng ospital, tumulong ang "KMJS" team na madala si Ranelyn sa mas malaking ospital upang maipasuri siya.
Maagapan pa kaya ang labis na pagkapayat ni Ranelyn? Tunghayan ang buong kuwento sa video ng "KMJS." Panoorin.
--FRJ, GMA News